2ND WIN SA TROPANG GIGA

pba

Mga laro sa Miyerkoles:
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. – Magnolia vs NorthPort
6 p.m. – Ginebra vs Rain or Shine

SUMANDAL ang TNT Tropang Giga kay Jayson Castro sa endgame upang matakasan ang Converge FiberXers, 86-83, para sa kanilang ikalawang panalo sa PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo.

Kumana si Castro ng 17 points, kabilang ang isang tres at tinampukan ang kanyang kabayanihan sa coast-to-coast drive na kanyang tinapos sa isang floater upang ibalik sa Tropang Giga ang kalamangan, 84-83, may 2.6 segundo na lamang ang nalalabi.

Wala nang timeout na nalalabi, minadali ng FiberXers ang inbound, subalit nagkamali ng pasa si Ben Adamos na nakuha ni Jayjay Alejandro, na nagresulta sa pares ng free throws na naglagay sa final score.

“In the end, like they say, our players never gave up,” sabi ni TNT coach Chot Reyes matapos na maitala ng kanyang tropa ang ikalawang panalo sa tatlong laro at partikular na binanggit ang kanyang veteran team leader.

“He (Castro) just found a way to score in that final offensive,” ani Reyes.

“That’s basketball, that’s sports. It’s never over till it’s over.”

Masakit ang pagkatalo ng Converge, ang kanilang ikalawa sa tatlong laro, ngunit matikas na nakihamok sa kabila na maagang nalamangan sa 9-24.

Binigyan ni RK Ilagan ang Converge ng isang puntos na kalamangan, 83-82, subalit nabigo siyang palobohin ito nang maimintis niya ang dalawang free throws sa huling siyam na segundo.

Nagdagdag si Glenn Khobutnin ng 15 points at 8 rebounds habang nagtala si Troy Rosario ng 13-13 double-double sa larong nabigo si Roger Pogoy na masundan ang kanyang 32-point game sa 78-85 shocker sa Blackwater noong Huwebes nang malimitahan lamang sa 12 points sa 4-of-13 shooting.

Tumipa si Mike Tolomia, isa sa holdovers mula sa dating Alaska team, ng 17 points upang pangunahan ang Converge, na nakakuha ng tig-15 points kina fellow relievers Maverick Ahanmisi at Kevin Racal.

– CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (86) – Castro 17, Khobuntin 15, Rosario 13, Pogoy 12, Alejandro 10, Erram 9, Reyes 6, K. Williams 4, Heruela 0, Marcelo 0, Ganuelas-Rosser 0.

Converge (83) – Tolomia 17, Racal 15, Ahanmisi 15, Arana 9, Teng 8, Hill 4, Ambohot 5, Adamos 2, DiGregorio 2, Bulanadi 2, Murrell 2, Ilagan 2.

QS: 24-12, 40-36, 63-57, 86-83.