MAKATI CITY – HINDI mahahadlangan ng biglang pagsirit ng inflation sa 3.2% noong Mayo ang isinusulong at ipinaiiral na monetary policy ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ito ang pagtiyak ni BSP Gov. Benjamin Diokno nang humarap ito sa ALC Group of Media o BusinessMirror Coffee Club Forum noong Biyernes.
Paliwanag ni Diokno, bagama’t naramdaman ang mabilis na paggalaw ng presyo pataas ng sa mga bilihin o ang tinatawag na inflation, hindi naman ito dapat maging barometro na baguhin nila ang kanilang monetary policy.
Sa isang salita ay isinalarawan ng BSP chief na “one-off” ang nasabing pagtaas ng presyo ng bilihin at tiniyak na ang kanilang ipinatutupad na model para sa pananalapi ay nagpapabagal para sa inflation at hindi maaabot ang 6.7% inflation noong isang taon.
Batay sa record, simula noong Nobyembre 2018 ay unti-unting bumaba ang inflation sa Filipinas mula sa pinakamataas na 6.7% noong Setyembre at Oktubre
Ipinaliwanag ng mga economic manager na napahupa ang inflation noon dahil sa sama-samang pagsisikap ng lahat na mapalakas ang ekonomiya at pagpigil sa pagtaas ng presyo ng bilihin.
Una nang nagtaas ng rate hike ang BSP noong 2018 na 175 points na itinuturing na mapangahas, subalit ipinagpalagay rin na iyon ang simula para lumaylay ang inflation rate hanggang bawasan ng 25 basis points.
Samantala, nanindigan si Diokno na manageable ang anumang pagtaas ng inflation sa kasalukuyan dahil ang 3.2% ay pasok pa rin aniya sa mga pagtaya ng BSP para matukoy na malakas ang ekonomiya habang wala rin itong epekto sa pananalapi ng bansa.
“It has no effect because it’s really a part of the trend. It is not a major departure from the trend. We are optimistic that inflation will be 2 or below 2 percent by the third quarter,” ayon kay Diokno.
Sa palitan naman ng dolyar at piso, sinabi rin ni Diokno na hindi rin dapat ikabahala kung pabago-bago ang halaga dahil naniniwala siyang matatag ang pananalapi lalo na’t sapat aniya ang reserbang dolyar ng Filipinas. EUNICE C.
Comments are closed.