3-ANYOS NA NENE NASAGASAAN NG VAN

nasagasaan

CALOOCAN CITY – PATAY ang isang 3-anyos na batang babae matapos masagasaan ng rumaragasang Utility Vehicle (UV) Express van habang nakiki­paglaro ang biktima sa kapwa mga bata kama­kalawa ng hapon.

Si Michelle Nogalisa ng 920 Franville 2 Subdivision, Brgy. 175, Camarin ay isinugod ng kanyang mga magulang sa Nodado Hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Sumuko naman matapos ang insidente ang driver ng Toyota Hi-Ace van na may plakang (ACZ-1426) na nakilalang si Jorge Tacugue, 31, ng 828 Laforteza Subdivision, Brgy. 175, Camarin.

Sa nakarating na report sa opisina ni Caloocan police chief P/Col. Noel Flores, naganap ang insidente alas-2:45 ng hapon habang ang biktima at kanyang mga kalaro ay naglalaro sa kahabaan ng Franville Road, Franville 2 Subdivision, Brgy. 175.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis ang takbo ng van habang tinatahak ang kahabaan ng Franville Road mula sa Camarin Road at patungong Quirino Highway nang aksidenteng mahagip ng sasakyan ang biktima.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa ng pulisya kontra kay Tacugue sa Caloocan City Prosecutor’s Office. VICK TANES

Comments are closed.