3 ASSOC JUSTICES SWAK SA JBC SHORTLIST

TATLONG associate justices ng Korte Suprema ang nakasama sa shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa mga nominado na maging bagong Chief Justice, kapalit ng pinatalsik na si Ma. Lourdes Sereno.

Ayon kay Supreme Court (SC) Spokesperson Theodore Te, kabilang sina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta at Lucas Bersamin, sa mga pangalang inendorso ng JBC kay Pangulong Rodrigo Duterte para pagpilian na maging susunod na punong mahistrado.

Ang naturang tatlong senior magistrates ay pawang appointees ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.

Nabatid na sina De Castro at Peralta ay nakakuha ng tig-anim na boto, habang si Bersamin naman ay nakakuha ng limang boto, kahit pa sinampahan sila ng bagong impeachment complaints.

Nilinaw naman ni Justice Secretary at JBC ex-officio member Menardo Guevarra na hindi sapat ang paghahain lamang ng impeachment complaint para madiskuwalipika na sa posisyon ang mga naturang ma­histrado.

“It is not yet considered an impeachment case, until it is affirmatively acted upon by the appropriate House committee,” paliwanag pa ni Guevarra.

Hindi naman nakapasok sa JBC shortlist ang dalawa pang aplikanteng sina junior Associate Justice Andres Reyes, Jr. at Tagum City judge Virginia Tehano-Ang.

Mayroong hanggang kalagitnaan ng Setyembre si Pangulong Duterte upang pumili ng kanyang appointee sa pagkapunong mahistrado.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.