3 BAGAY PARA MAKAUNGOS ANG MGA BAGONG ENTREPRENEUR SA PANAHON NGAYON

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Ikaw ba ay nagdesisyong mag-negosyo kamakailan lamang? Lalo na kung napilitan kang pumasok sa pagnenegosyo  dahil na rin nawalan ka ng trabaho ngayong panahon ng pandemya. Mas mahirap ang pagnenegosyo ngayong ‘di  naman makalabas ang mga tao, o kaya ay limitado ang galaw dahil sa community quarantine.

Malamang, sa panahong ito, ‘di napapanahon na tumigil nang sandali, huminga, at mag-isip-isip muna. Kailangang gumalaw-galaw upang makaungos at makaraos. Kaya sa pitak na ito, ilalarawan natin ang tatlongbagay na dapat mong malaman upang mas umigi pa ang buhay entrepreneur mo, may pandemya man o wala. Tara na at matuto!

#1 Bisitahin ang mga plano buwan-buwan

Kahit ano pang buwan, panahon ng pagpaplano ngayon. Dahil sa bilis ng mga pagbabago dahil sa online selling, kailangang maging maagap ka sa kung ano ang mga maka-bagong paraan na swak sa pagbebenta. Marami ka na sigurong napagtanto ukol sa new normal na tinatawag at tiyak na nagkaroon ka ng iba’t ibang ideya kung paano mo masasakyan ang makabagong paraan ng pagnenegosyo. Pero huwag mong kalimutan ang pagbisitang muli sa mga plano mo. Kung ‘di mo pa ito nagagawa, ilalahad ko ang simpleng pormat. Nabanggit ko na ito sa nakaraang pitak, at uulitin ko ngayon ang ilan lamang sa dapat kasama sa plano na bibisitahin mo:

  • Executive Summary – narito ang buod ng business plan mo
  • Market Overview – dito nakalahad ang merkado kung saan ka may operasyon
  • Partnerships – sino ang mga kasama mo sa negosyo na mahalaga upang umungos ka
  • Short-term at Longer-term Objectives – mga layunin mo na panandalian at pangmatagalan
  • Resources and Funding – mga pangangailan mo
  • Strategies – mga istratehiya sa pagnenegosyo, sales at marketing
  • Financial forecasts – lahat ng may kinalaman sa kaperahan (benta, investments, etc.)

Kasama sa pagpapalano ay ang pagsasaliksik tungkol sa iyong kostumer at kumpetisyon. Kasi kung ‘di mo pa lubos na kilala ang merkado at industriyang ginagalawan mo, may problema kang kakaharapin. Tandaan mo na ang pagsasaliksik sa kostumer at kumpetisyon ay susi upang makaungos ka sa pagbebenta. Kung sasaliksikin mo ang bawat aspeto ng mga ginagawa ng kakumpitensiya mo, malalaman mo ang mga dapat iwasan, paghandaan at gagayahin o mas papalawigin, ‘di ba? Ang pagsaliksik sa kumpetisyon ay simple, ngunit kailangang masinsin at may kaunting analysis. Search mo ang Facebook bilang pangunahing paraan kung saan makikita ang tungkol sa kanila.  Kapag nakakita ka ng kapareho mong negosyo, malamang makikita mo sa baba o gilid ng search results ang iba pang  kakumpitensiya mo. Tandaan mo na maaaring direkta o ‘di direkta ang kumpetisyon, ha? Ang mga dapat namang tingnan sa mga kostumer mo ay ang kanilang mga piling produkto na kanilang binibili at ang mga katulad nito. Gayundin ang pag-analisa sa mga trends upang mapaghandaan ito. May  simpleng analytics ang FB Page na tinatawag na Insights. Dito nakikita ang mga trends, likes at kung ano-ano pa ukol sa page mo. Maytoon ding mga libreng social analytics tools na makukuha online upang magawan ng forensics ang page mo at ang total na reputasyon  mo online.

Ang pag-aanalisa ng kostumer at kakumpitensiya mo ay isa sapinakamahalagang aspeto ng paggawa ng istratehiya sa marketing mo. Sa aspeto naman ng mga partnerships, ito ay ang mga tao o organisasyong makatutulong  mapalawig ang pagnenegosyo mo, mula sa pagpapalawak ng base ng kostumer mo, hanggang sa magpapalakas  ng mga kahinaan mo. Natutunan ko sa mga naging  trabaho ko noon mula sa Friendster at Multiply, kung saan ako’y naging pinuno ng paglikha ng mga partnerships sa buong mundo, na mahalaga ang relasyon sa pagpapalawig ng negosyo. Natutunan ko ring mas mabilis mong mapapalaki ang network mo at ang pagsakop sa iba’t ibang merkado sa pamamagitan ng mga mahuhusay na partnerships. Kumusta naman ang pag-pokus mo sa mga layunin at mga istratehiya mo? Patuloy pa ba ito o sadyang  natatabunan na itong iba’t ibang gawain at alalahanin? Dapat pokus ka pa rin upang ‘di madiskaril ang mga plano. Kung kinakailangang mag-pivot ng istratehiya man o negosyo na mismo, siguruhing babalikan mo na naman ang mga plano mo. Lahat ng nagnenegosyo ay dapat may pahayag na misyon o “mission statement.” Ang pagkakaroon nito kasi ay nangangahulugang malinaw ang layunin mo sa pagnenegosyo at nakatuon ang lahat ng enerhiya mo rito.

Ang kawalan ng pokus sa pagnenegosyo ang kadalasang nagiging dahilan ng pagkalugi ng isang negosyo. Siguraduhin na talagang klaro naman sa iyo ang misyon mo at ‘di ka basta-basta lilihis dito dahil lamang sa isang pangyayari gaya ng pandemya at iba pang balakid. Higit sa lahat, siguruhing nasa ayos ang bawat aspetong pinansiyal at mga pangangailangan mo, gayundin ang operasyon. Ang mga ito ang magsisigurong makakalaban ka nang pangmatagalan.

#2 Paigtingin mo ang pag-hustle

Bilang isang mentor ng mga startup, madalas kong sinasabi ang mga katagang “Hustle, Hustle, Hustle!” Ano nga ba ang tunay na ibig sabihin ng “hustle” sa buhay ng isang startup na negosyanteo entrepreneur? Madalas kasi ang dahilan ng isang tao kung bakit niya nais magnegosyo ay upang magkaroon ng mas mahabang oras para sa gala o kaya’y pahinga. Nais niyang maglaan ng mas mahabang panahon sa pagpapamilya at kung ano-ano pang bagay na papunta sa pagreretiro. Bilang bagong entrepreneur, mas maraming oras ang gugugulin mo sa pagpapaangat – o pag-hustle – para sa iyong negosyo. Ganoon talaga ‘yun.

Kaya naman ang pag-hustle ay ang iyong pagkayod nang husto na sa salita ng mga Gen-Xer ay kayod-kabayo o kayod-marino. Lahat ng oportunidad na darating sa iyo ay sisilipin mo at lahat ng meeting ay pupuntahan mo. ‘Yan ang hustle na tinatawag. Go lang nang go hanggang sa makamit ang tunay na layunin ng iyong pagnenegosyo. Mag-market o magbenta ka nang walang hiya-hiya. Walang taong maniniwala sa ibinebenta mo kung ikaw mismo ay ‘di naniniwala rito. Wala kang mabebenta kung ‘di mo maibenta sa sarili ang iyong produkto. Ang simpleng pag-uumpisahan mo nito ay ang pagiging pangunahing tagapagtaguyod o ebanghelista ng iyong ibinebenta. Halimbawa, kapag nag-search ka sa Google ng aking pangalan na Homer Nievera, makikita mo ang mga salitang “Digital Evangelist.” Dahil ang aking mga negosyo ay nasa digital o nasa Internet, ang adbokasiya ko ay may kinalaman din doon. Kaya kung anuman ang iyong ibinebenta, dapat manguna ka sa pagiging ebanghelista nito. ‘Yan ang pangunahing gawain sa pag-market ng produkto o serbisyo. Kung kailangan mong magpa-interbyu o maging tagapagsalita o speaker sa mga event, gawin mo. Makikita mo na malaki ang halaga ng marketing na iyan at nagawa mo sa libreng pamamaraan. Puwede ka ring magsimula ng blog o vlog mo. Kasama ‘yan sa pagnenegosyo gaya ng pag-simula ng isang social media page o account ukol sa negosyo mo. ‘Di mo ba napansin na maraming tila social influencer ay may mga ibinebenta pala?

Dahil nabanggit ko ang social influencer, mahalaga ang maigting na pagbebenta sa social media at sa website mo. ‘Di na kaila sa atin na mahalaga ang social media upang maabot ang mamimili at dito na rin makapagbenta nang mas mabilis. Maaaring ‘di ko na kailangan pang pahabain ang ideyang ito dahil malamang alam mo na ito. Idagdag ko na lang ang paggamit ng iba’t ibang tools upang mas maging mabenta ang mga produkto mo sa social media. Una rito ay ang pagsasaayos ng itsura ng mga produkto mo.  Dapat ay maganda ang pagkakuha sa litrato man o video. Ikalawa ay ang masinop na paglagay ng presyo at lahat ng detalye upang mabawasan ang pagtatanong ng mga kostumer. Siguraduhing malinaw ang pagkakalathala ng nasabing mga  lalo na ang paraan ng pag-order, pagbayad at pagdeliber. Lagyan din ng mga hashtags ang iyong mga post upang mas mabilis itong makita sa search.

Tandaan lang na halos 80 porsiyento ng milenyal at GenZ na merkado ay sa video nahuhumaling. Ito kasi ang pinakaepektibong paraan upang ma-huli ang kostumer sa social media. Kaya namamayagpag ang live selling sa Facebook dahil sa aspetong ito.  Maraming uri ng video ang puwede mong gamitin. Nariyan ang gumagalaw na poster na video ang format. May mga online events o seminars kung saan mahabang diskusyon ang puwedeng gawin.

At siyempre, may online video ads na maaaring  gawin. Kung hirap kang mag-isip ng gagawin, manood muna ng mga video  na nag-eendorso ng mga brands. Marami iyan, kasama na ang mga pagsingit ng brands sa mga influencer. Doon naman sa pagbebenta sa sariling website, medyo maiiba lang ang dynamics nito. Dahil bukod sa social media na magpapadala ng trapik sa website sa mga search engines tulad ng Google sila pupunta. Kaya naman kung searchable ka at ang mga brand mo, mas madaling makaka-ungos ka sa iba. Ang sikreto sa larangang ito ay ang SEO o search engine optimization. Kung gamay mo ang sistemang ito, madali na ang susunod na Google Ads.

#3 Handa ka rin dapat sa pag-pivot o pagpihit ng negosyo

Sa basketball, kapag parating na ang isang kalaban habang dala mo ang bola, maaari kang mag-pivot para iwasan ito. Tila pinaiikutan  mo ang player at tuloy ka lang patungo sa basket. Bilang isang bagong entrepreneur o negosyante, marami pang pagkakataon o oportunidad kang kakaharapin. Sa sandaling nakakita  ka ng mas malaking oportunidad upang umunlad, baka panahon  na rin na mag-pivot – o pumihit. Mahalaga ang pag-pivot sa pagnenegosyo, ngunit mahirap ding masuri ang tamang panahon para rito.  Madalas ay kailangan mo ang masusing pag-aaral at masinsin na pag-aanalisa bago magdesisyon. Maging masinop sa mga desisyon lalo na kung may solid ka nang pinagdadaanan. Napapansin ninyo naman siguro ang namamayagpag na mga tinaguriang plantito at plantita. Dahil nitong pandemya, maraming tao ang naka-quarantine kaya naging mahalaga ang pag-aalaga ng mga tanim sa bahay. Sa village namin, naging talamak ang pagnanakaw ng mga tanim sa labas ng bahay dahil nga biglang nagkaroon ng demand sa mga house plants.

Kaya naman ang daming nagsulputang mga nagbebenta ng tanim ngayon. Lumaki rin ang halaga ng mga house plants, at naging popular ang mga live selling nito sa Facebook. Samakatwid, lubhang dumami ang mga nag-pivot sa pagbebentang tanim. Sa pag-pivot ng negosyo, tamang timing ang kailangan kung pipihit ka ng anumang bahagi ng negosyo mo, at dapat handa ka sa mga kahihinatnan. Kung malalim naman ang balon mo (pera!), okay lang sumubok. Basta, dahan-dahan lang sa paggalaw. Huwag ka lang din pipirmi sa kinatatayuan mo at baka mapag-iwanan ka.

Konklusyon

Bilang isang bagong entrepreneur, kailangan ang pagiging masinop at matiyaga sa lahat ng bagay. Ipagpatuloy ang pag-hustle at huwag titigil sa pokus mo. Kung nakita mong handa ka nang mag-pivot, gawin mo ito sa pamamagitan ng pagpaplanong muli. Wag padalos-dalos. Ang mga teknolohiya at digital tools ay nakahain na. Gamitin lang mga ito at patuloy kang mag-aral upang ‘di ka mapag-iwanan.  Sa lahat ng bagay, magtiwala sa Diyos.



Si Homer ay isang technopreneur. Makokontak siya sa pamamagitan ng email na [email protected].

7 thoughts on “3 BAGAY PARA MAKAUNGOS ANG MGA BAGONG ENTREPRENEUR SA PANAHON NGAYON”

  1. 197689 40233Basically received my very first cavity. Rather devastating. I would like a super smile. Looking a good deal more choices. Several thanks for the post 881427

Comments are closed.