SOUTHERN NEGROS OCCIDENTAL- TATLONG bangkay ng mga rebeldeng New peoples Army (NPA) at kanilang mga armas ang natagpuan kasunod ng dalawang araw na sagupaan sa Barangay Oringao, Kabankalan City sa lalawigang ito.
Ayon sa 94th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang mga nasawi ay resulta ng 20 minutong engkwentro sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at isang grupo ng 15 rebelde bandang alas-8 ng umaga kamakailan.
Matatandaan, ang unang bakbakan ay naganap pasado alas-5 ng hapon nitong Sabado nang rumesponde ang tropa ng 94th Infantry Battalion kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police’s Regional Mobile Force Battalion-Western Visayas at 2nd Negros Occidental Provincial Mobile Force Company sa presensya ng mga armadong lalaki sa mga malalayong sitio ng nayon.
Sa isang pahayag, pinuri ni Col. Orlando Edralin, commander ng 303rd Infantry Brigade, ang tropa ng 94th Infantry Battalion sa kanilang agarang pagtugon sa impormasyong ibinigay ng mga lokal.
Kinilala rin ni Edralin ang pagbabantay at pagtutulungan ng mga residente na nagpapakita ng kanilang tunay na pagnanais para sa Kabankalan City na walang New People’s Army sa naturang lugar. EVELYN GARCIA