3 BATANG BABAE NATAGPUANG PATAY SA LOOB NG KOTSE

Patay

BATAAN – WALA nang buhay ang tatlong batang babae na pawang magpipinsan ng matagpuan matapos ma-suffocate ang mga ito sa loob ng isang nakaparadang kotse sa isang eskinita sa Barangay Calangusan, Orion.

Sa ulat ni Orion Police Chief Major Dennis Orbista kay Bataan Police Director Col. Villamor Tuliao, nakilala ang mga biktimang sina Agatha Morales, 9-anyos; Shamel Alghela Morales, 8-anyos at Pauline Keziah Morales, 6-anyos,  pawang mga residente sa karatig barangay ng Sto. Domingo sa naturang lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, Martes ng hapon ng huling makitang naglalaro ang mga bata malapit sa kotseng nakaparada na pag-aari ng isang pribadong kompanya.

Posible umanong bukas ang sasakyan kaya pumasok ang mga bata at aksidenteng nai-lock ang pintuan na hindi na nabuksan.

Suffocation o hindi pagkahinga dahil sa kawalan ng hangin na sinabayan pa ng mainit na panahon ang ikinamatay umano ng mga bata.

Gabi na nang matuklasan ang mga bata na nasa loob ng kotse na pawang mga hindi na gumagalaw at wala ng hininga.

Isinugod pa ang mga ito sa pagamutan subalit idineklara na ang mga itong dead on arrival. ROEL TARAYAO

Comments are closed.