PARANAQUE CITY – TATLONG Pinay ang hindi pinayagan ng Bureau of Immigration (BI) na makalabas ng bansa.
Ang tatlo ay naharang na sumakay sa kanilang flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), dahil sa pekeng plane tickets at iba pang mga dokumento.
Ayon sa ulat ng travel control and enforcement unit (TCEU) ng immigration, may mga pasaherong na-intercept ng kanilang mga tauhan noong Biyernes bago makasakay sa kanilang flight sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Nagkunwaring mga turista ngunit sa berepikasyon ng immigration officer, maraming nakitang inconsistencies, at hindi magkakatugma ang kanilang naging sagot sa interview.
Ayon sa pahayag ni TCEU chief Timotea Barizo, ang tatlo ay na-recruit ng isang babae sa pamamagitan ng Facebook, at nagbayad sila ng tig-P15,000 para sa kanilang plane tickets, at sinagot ng kanilang recruiter ang iba pang gastusin at babayaran sa pamamagitan ng salary deduction.
Nagpakilala ang tatlo na mga empleyado ng isang travel agency, at magbabakasyon lamang sila sa Hong Kong ngunit kalaunan ay inamin ng tatlo na na-recruit sila bilang mga bar girl kung saan sasahod ng 500 Hong Kong dollar bawat araw.
Dagdag pa ni Barizo, ito ang bagong style ng illegal recruiters na pauutangin ang mga aplikante ng panggastos para mapilitan na magtrabaho ng mahabang oras para makabayad sa utang.
Ang tatlong biktima ay agad na inilipat sa kamay ng Inter-Agency council Against Trafficking (IACAT). FROILAN MORALLOS
Comments are closed.