(3 buwang phaseout period ‘di makatuwiran sa investors)TIGIL-OPS NG POGOs HUWAG BIGLAIN

POGOS

TAHASANG sinabi kahapon ni Senador Sonny Angara na hindi makatuwiran sa mga investor at hindi sapat ang tatlong buwang phaseout period na rekomendasyon ng Senate committee report para sa agarang pagpapasara ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

Reaksiyon ito ni Angara sa report ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian kung saan inirekomenda nito ang agarang pagpasa ng isang resolusyon na humihikayat sa Executive Department na ipahinto na ang operasyon ng POGOs.

Anang senador, maaari naman ito subalit hindi sapat ang tatlong buwan para mapatigil na ang operasyon ng mga POGO sa Pilipinas, lalo na, aniya, para sa mga malaki na ang puhunan dito.

Ayon kay Angara, kailangan at mas makatuwiran ang pagbibigay ng mas mahabang panahon para mapaalis ang mga POGO lalo na’t ang pamahalaan din naman ang nag-imbita na mamuhunan sa bansa.

Aniya, dapat magkaroon ng mas mahabang phaseout period para sa mga lehitimong POGO operator na nagbabayad ng buwis at employee benefits at naglagak na ng malaking puhunan.

“A longer period would be more reasonable/justified given it was also the government which invited them to invest in the first place,” diin ni Angara.

Kaugnay nito, kinatigan ni Angara ang naunang sinabi ni Senate Deputy Majority Leader Joseph Victor “JV” Ejercito na dalawa hanggang tatlong phaseout period para sa POGOs para hindi naman ma-turn off ang mga potensiyal na mamumuhan sa bansa.

Inamin sa committee report, na kulang pa sa lagda ng mga senador para maisumite sa plenaryo ng Senado, na ang Pilipinas ay pinaka-atraktibong opsyon para sa offshore gaming.

Binanggit pa sa report ang 2018 study na bagaman mas mura ang real estate ng Myanmar, Laos at Cambodia, wala naman silang mga magagarang mall, hotel at onsite casino hindi tulad ng Pilipinas. Ang mga ito, aniya, ay dagdag-atraksiyon sa mga mayayamang turista.

Tinukoy rin sa report si Guangxi University Centre for Philippine Studies Director Chen Bingxiang, na nagpaliwang na, “the apparent indispensability of POGOs to the Philippines is due to the tax revenues and the development of the Philippine economy, as a whole, due to a widespread network of cottage industries that has cropped up around POGOs.”

Sa kabila ng rekomendasyon na i-ban ang POGOs sa bansa, tanggap naman ng Senate Ways and Means Committee na nakikinabang ang gobyerno sa industriyang ito mula sa gaming tax, corporate and individual income taxes, value-added taxes, local government permits, at fees and charges.

Dagdag pa dito ang demand para residential, office at commercial spaces, pag-usbong ng kaanib na industriya tulad ng transportation, food at hospitality, job creation para sa direct at indirect employees, at corporate gains sa PAGCOR at CEZA na nag-iisyu ng lisensiya sa POGO, kanilang service providers at gaming agents.

VICKY CERVALES