CAVITE – TATLONG kalalakihan na bumili lamang ng shabu ang inaresto rin kasama ang dalawang drug dealer sa isinagawang anti-drug operation ng pulisya at PDEA 4A sa bahagi ng Barangay Amaya 2 sa bayan ng Tanza, kahapon ng madaling araw.
Kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Richard Viray y Lunas, 28; Anthony “Tonton” Alvares y Tumulas, 43, kapwa nasa drug watchlist ng PNP at PDEA; ang tatlong buyer na sina Benjo Grajo y Delos Angeles, 36; Raymell Torres y Santos, 25; at si Michael Padua y Espinosa, 41, trike driver, pawang nakatira sa nasabing barangay.
Sa police report ni PO1 Ehdcel Manalo na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na isinailalim sa buy bust-operation sina Viray at Alvares kung saan kapwa inaresto makaraang makabili ng 2 plastic sachets ng shabu ang poseur-buyer na pulis.
Gayunman, sa hindi inaasahang pagkakataon ay bumili rin ng shabu ang tatlo sa pag-aakalang drug dealer ang nagpanggap na pulis kaya inaresto rin ang mga ito.
Nasamsam kina Grajo, Torres at Padua ang 3 plastic sachets ng shabu at P300 marked money kung saan isinailalim na sa drug test at physical examination ang mga suspek habang pinasuri naman sa Cavite Crime Laboratory Office ang ilang shabu na nakumpiska para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. MHAR BASCO
Comments are closed.