MAKATI CITY – ARESTADO ang tatlong Chinese matapos nilang kidnapin ang isang call center agent na kanilang kalahi at isa namang negosyanteng Chinese ang na-rescue sa magkahiwalay na insidente sa lungsod na ito.
Nakakulong na ngayon sa Makati City Police detention facility ang mga suspek na sina Sun Yi, 25; Zhang Di, 29, at Wei Bao Kun, 30, pawang mga empleyado sa 15th Floor, Tower 1, Circuit Mall, Brgy. Carmona, Makati City at pawang residente ng nabanggit na lungsod.
Kinilala naman ang biktimang call center agent na si Lei Kung, 24, isa ring Chinese, at nakatira sa BF Resort Homes, Las Piñas City.
Sa report na natanggap ng tanggapan ni PBGen Eliseo Cruz, director ng Southern Police District (SPD), nadakip ng mga kagawad ng Makati City Police ang mga suspek sa kanilang pinagtatrabahuan sa nabanggit na lugar.
Ang pagkakadakip sa mga suspek ay bunsod nang reklamong natanggap ng mga pulis na sinasabing kinidnap umano ng mga ito ang biktima dahilan upang magkasa sila ng follow-up operation laban sa mga ito.
Samantala, isa pa ring Chinese trader ang tinorture at kinulong ng kalahi nito sa nasabi ring lungsod.
Sa pahayag sa Makati City Police ng testigong si Elmer Oreo, 38, ng Quezon City dakong 3:50 ng madaling araw ay na-rescue niya si Harry Su, 50, pansamatalang nanunuluyan sa Malugay St., Brgy. San Antonio.
Agad namang ipinagbigay-alam ni Oreo sa mga pulis ang insidente at kaagad na dinala ang biktima sa ospital matapos itong magtamo ng mga sugat at fractured sa balikat.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay tinorture at pinahirapan ng hindi pa nakikilalang mga suspek na kalahi rin ng biktima. MARIVIC FERNANDEZ