MAKATI CITY – TATLONG Chinese na umano’y maintainer ng isang prostitution at gambling den ang inaresto ng mga miyembro ng Makati City police at 13 kababaihan naman ang nasagip kamakalawa ng gabi.
Nakakulong ngayon sa Makati City Police Station detention cell at nahaharap sa kasong Anti Human Trafficking ang mga suspek na sina Kevin Sy, 25; Xiao Lo, 23, at Tong Po, 25, pawang nanunuluyan sa Golden Dragon, 1847 K&K Building, Evangelista St., Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.
Na-rescue naman sa prostitution at gambling den ang 2 babaeng Russian, 2 Vietnamese at 9 na Chinese national na ginawa umanong mga prostitute.
Ayon sa pulisya, kanilang sinalakay dakong 10:35 kamakalawa ng gabi ang Golden Dragon sa may 1847 K&K Building na matatagpuan sa Evangelista St., Barangay Pio Del Pilar, Makati City matapos na sila ay makatanggap ng impormasyon na ginagawa itong prostitution den at ilegal na pasugalan ng mga suspek.
Isang pulis ang nagpanggap na customer na kumuha ng isa sa mga babae sa bayad na halagang P22,000 bilang kabayaran para makatalik nito ang babae sa loob ng nasabing establisimiyento.
Nang magpositibo ay dito na dinakip ng mga alagad ng batas ang mga suspek at dinala ang mga ito sa himpilan ng pulisya.
Inimbitahan rin ng mga pulis ang limang empleyado na pawang mga Pinoy upang hingan ng pahayag sa ilegal na gawain.
Ang mga babae namang nailigtas ay dinala sa tanggapan ng Women’s and Children’s Protection Desk. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.