3 FIRST CLASS RELICS SA 3 SANTO PAPA ILALAGAY SA MANILA CATHEDRAL

MAGANDANG balita para sa mga Katoliko dahil magkakaroon na ang Manila Cathedral ng tatlong first class relics mula sa tatlong dating Santo Papa.

Ayon kay Fr. Regie Malicdem, rector ng Manila Cathedral, bukod sa blood relic ni Saint John Paul II, na kasalukuyang bukas sa public veneration, ay nasa kustodiya na rin nila ngayon ang maliit na piraso ng buto mula kay Pope John XIII.

Inaprubahan na rin aniya ng Vatican ang kanilang kahilingan na mabigyan ng first class relic mula kay Pope Paul VI, na isa-sailalim na sa ka­nonisasyon sa darating na Oktubre.

Hindi pa aniya nahuhukay ang mga labi ni Pope Paul VI, ngunit umaasa aniya silang matatanggap ang relic nito bago matapos ang taong ito.

“His (Paul VI) body is yet to be exhumed but hopefully we’ll receive the relic before the end of the year,” ani Malicdem.

Ang mga naturang relic ay ilalagay aniya sa altar sa kasagsagan ng Rite of Dedication sa cathedral sa Disyembre, 2018, para sa anibersaryo ng post-war reconstruction ng Manila Cathedral.

Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ni Malicdem ang mga mananam­palataya na hanggang ika-8 ng gabi na lamang ngayong Linggo, Pentecost Sunday, ang public veneration para sa blood relic ni Saint John Paul II.

Nauna rito, mu­ling binuksan ng Manila Cathedral ang 3 araw na public veneration sa blood relic ng santo noong ika-6  ng um-aga ng Mayo 19, bunsod ng kahilingan ng libu-libong Katoliko na nabigong masilayan ang reliko noong una itong buksan para sa publiko noong nakaraang buwan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.