3 FOREIGN TEAMS MAGPAPAINIT SA 2024 ANTA ASIABASKET INTERNATIONAL CHAMPIONSHIP

ASAHAN ang mainit na bakbakan sa paglarga ng 2024 ANTA Asiabasket International Championship, tampok ang tatlong international teams, ngayong Martes, July 9, sa Enderun Colleges.

Ang 10-team field ay kinabibilangan ng UAAP teams National University Bulldogs, Adamson University Soaring Falcons, at Far Eastern University Tamaraws, NCAA squads San Beda University Red Lions, De La Salle-College of Saint Benilde Blazers, at Mapua University Cardinals, Phenom Blue Fire na binubuo ng college stars na kasalukuyang nagsisilbi sa kanilang residencies, National Formosa University (NFU) mula sa Taiwan, Persabi DKI Jakarta ng Indonesia, at Lakas California ng USA.

Ito na ang ika-4 na torneo ng Asiabasket na tinatampukan ng top collegiate teams sa bansa.

Tututukan ang defending NCAA champion San Beda kung saan ipaparada ng Yuri Escueta-helmed squad ang core nina veteran Yukien Andrada, sophomore Nygel Gonzales, at Season 99 Finals MVP James Payosing.

Susubukan ng Red Lions ang kanilang lakas laban sa kapwa NCAA teams  Benilde at Mapua kung saan sasandal ang Blazers sa trio nina Tony Ynot, Justin Sanchez, at Allen Liwag habang sasandig ang Cardinals kina  reigning MVP Clint Escamis at rookies Lawrence Mangubat at Chris Hubilla.

Magiging banta rin sa San Beda ang UAAP Season 86 Final Four contender Bulldogs, na pangungunahan nina Steve Nash Enriquez, Reinhard Jumamoy, at  Patrick Yu habang pagbibidahan nina  Royce Alforque, Cholo Anonuevo, at rookie Veejay Pre ang Tamaraws.

Muli namang sasandal ang Adamson sa opensa nina Monty Montebon at Cedrick Manzano.

Ang 10 koponan ay hahatiin sa dalawang grupo.

Ang Group A ay kinabibilangan ng NU, Benilde, Phenom Blue Fire, National Formosa University, at Lakas California, habang nasa Group B ang Adamson, San Beda, DKI Jakarta, FEU, at Mapua.

CLYDE MARIANO