SA KABILA ng malalaking badyet na inilaan ng pamahalaan sa mga programang pang-impraestruktura sa bansa tulad ng proyektong pagkontrol sa baha ay nararanasan pa rin ng ating mga kababayan ang perwisyong dulot nito sa komunidad.
Ito ang isa sa mala-higanteng problemang kinakaharap ngayon ng mga Local Government Units (LGU) sa rehiyon kung paano babangon sa iniwang pinsala ng bagyo lalo na ang malawakang pagbaha sa lugar sa kabila ng dambuhalang badyet na inilaan ng gobyerno para sa impraestruktura taliwas sa sinabi ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, chairman ng House Appropriations Committee na ‘walang katotohanan at fake news’ ang kumakalat sa social media na may bilyon-bilyong pisong pondo ang flood control program sa buong Kabikulan.
Sa isang virtual press conference noong nakaraang linggo, nilinaw ni Villanueva na naglaan ang DPWH ng P61.42 bilyon para sa rehiyon ng Bicol noong Fiscal Year 2023 at 2024 upang pabulaanan ang mga kumakalat na balita sa social media na nagsasabing P9 bilyon lamang ang nagastos.
“May mga kumakalat na claims sa social media na ang rehiyon ng Bicol ay nakatanggap lamang ng P9 bilyon para sa flood control program para sa 2023 o 2024 ngunit hindi po iyon totoo” ani Villanueva.
“Sa katunayan, ang budget ng DPWH para sa 2023 lamang ay P29.4 bilyon. Para sa 2024, ang alokasyon ay P31.9 bilyon kaya’t ang kabuuang budget para sa flood control sa rehiyon ng Bicol sa loob ng dalawang taon ay P61.42 bilyon” aniya.
Inihayag ng mambabatas ang kanyang pagkabahala sa pagbaha sa Bicol at nanawagan ng masusing pagsusuri sa sitwasyon lalo na’t malaking pondo ang inilaan sa mga proyektong flood control sa rehiyon.
“Dapat nating masusing pag-aralan ito sa panahon ng deliberasyon sa budget upang makita kung saan talaga napupunta ang mga pondo at kung may tunay na epekto ang mga proyekto at programa ng ating gobyerno laban sa pagbaha” ani Villanueva.
“Kung matatandaan ninyo, binanggit ko sa plenaryo na ang gobyerno ay gumagastos ng P1.44 bilyon kada araw at kasama rito hindi lang ang DPWH kundi pati ang DENR, Climate Change Commission, MMDA at iba pang ahensya ng gobyerno” dagdag pa niya.
Pinabulaanan naman ni Rep. Co ang mga alegasyon sa social media tungkol sa billion-peso appropriations ng flood control sa Bicol.
Aniya, itinigil na ng Kongreso ang mga “unnecessary” initiatives ng pamahalaan.
“There’s no truth to the alleged billion-peso appropriations for Bicol flood control. In fact, the region’s funding for national roads and flood control are among the smallest in the country” ayon kay Co.
“For the first time in three decades and across five administrations, we ceased funding for flood control projects, rock netting and safety devices in the House of Representatives that do not provide long-term benefits” dagdag pa nito.
Ipinaliwanag rin nito na ang flood control initiatives ng Kamara ay nakakonekta sa water management system ng National Irrigation Administration.
“Congress under Speaker Romualdez’s leadership, is ensuring that all flood control initiatives are connected to NIA’s (National Irrigation Administration) water management system. This approach ensures that these projects contribute directly to our agricultural needs.”
Samantala, sa datos ng DPWH na nakabase sa General Appropriations Act, nabatid na ang pondo ng pamahalaan para sa ‘flood mitigation structures’ sa Bicol ay nagkakahalaga ng P27.802-B noong 2023 samantalang P29.705-B ngayong 2024 kasama rito ang konstruksyon sa ‘dike’ ng mga barangay.
Sa tala ng ahensya, nanguna ang Camarines Sur sa may pinakamalaking pondo para sa pagkontrol ng baha noong 2023 habang pumapangalawa ang Albay pangatlo ang Camarines Norte samantalang nanguna naman ang Albay sa taong 2024 pumangalawa ang Camarines Sur at pangatlo ang Camarines Norte.
Dahil dito, pina-iimbestigahan na rin ng Makabayan bloc sa Kongreso ang badyet na inilagay para sa flood mitigation measures sa nasabing rehiyon.
RUBEN FUENTES