HANDANG magkaloob ng tulong ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) para sa mga mangingisdang maaapektuhan ng pagpapatupad ng ika-5 closed season harvesting ng galunggong matapos na pulungin ang samahan ng Round Scad Fisheries Management sa Northern Palawan.
Napag-alaman na pagkakalooban ng suportang pangkabuhayan ang mga mangingisda na mawawalan ng hanapbuhay sa loob ng tatlong buwang fishing ban.
Sinabi ni BFAR-Mimaropa Assistant Regional Director Roberto Abrera na pinag-aaralan na nila ang mga alternatibong pagkakakitaan ng mga mangingisdang benepisyaryo ng programa ng iba’t ibang ahensiya ng national government.
Aniya, kabilang sa popondohan ng ‘kabuhayan program’ ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pagsasanay at libreng seminar ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga programang pagbabago at pag-asenso ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabatid na bukod sa pansamantalang hanapbuhay ng mga mangingisda, pinaghahandaan din ng go-byerno ang oportunidad na magkaroon ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan ang mga miyembro ng pamilya ng mga ito, ‘closed season’ man o hindi.
Ang fishing ban sa Hilagang Silangan ng lalawigan ay magsisimula sa unang araw ng Nobyembre 2019 at magtatapos sa ika-31 ng Enero ng 2020. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.