3 NANAY TIMBOG SA P36M SHABU

arestado

CAVITE – ARESTADO ang tatlong nanay na sangkot sa drug trade nang makumpiskahan ng P36 milyong halaga na shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Molino 3, Bacoor City nitong Lunes ng gabi.

Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, kinilala ni P/Col. Marlon Santos ang mga suspek na sina Annabel Natividad y Ma­yol, 52-anyos; Teresita Daan y Inoc, 52-anyos; at si Riza Aguilo y Tejas, 43-anyos, pawang nakatira sa Carson Camilla Subd. sa nasabing barangay at nasa drug watchlist ng PNP.

Batay sa ulat, may natanggap na impormasyon ang QCPD Station SDEU kasama RID-NCRPO, RSOU PRO4A Cavite PIU at Bacoor CPS na sangkot sa drug trade ang mga suspek na nagpapakalat ng droga sa iba’t ibang lugar sa Cavite.

Kaagad naman nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng pulisya sa PDEA-National Operation Center kung saan matagumpay naman naisagawa ang anti- drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nasamsam ang 5 kilong shabu at karagdagang 300 gramo na may street value na P 36, 040, 000.00 habang narekober naman ang marked money na ginamit sa buy- bust operation.

Isinailalim na sa drug test at physical examination ang mga suspek habang pina-chemical analysis naman ang nasamsam na shabu bilang ebidensiya sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal sa Office of the Provincial Prosecutor.  MHAR BASCO

Comments are closed.