3 NIGERIANS TIMBOG SA P10.8 M DROGA

Shabu

CAVITE – UMAABOT sa P10.8 milyong halaga na shabu at marijuana ang nasamsam sa tatlong Nigerians sa isinagawang magkahiwalay na drug bust operation ng mga operatiba ng PDEA RO IV-A, PDEA RO III at Cavite PNP sa magkahiwalay na barangay sa General Trias City, Cavite noong Linggo ng gabi.

Isinailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Ifeanyi Ofoma y Chias ng Kensington Village, Phase 22, Brgy. Bacao 1, Gen. Trias City; Benjamin Enemuo y Ebubechukwu at si Chiduben Nwong y Precious, kapwa nakatira sa Kensington Village, Phase 17 Alden St. Lancaster, Brgy. Navarro, General Trias City, Cavite.

Sa inisyal na ulat ng PDEA, lumilitaw na unang isinagawa ang drug bust sa apartment ni Ofoma sa Brgy. Bacao 1, Gen. Trias City ng nasabing lalawigan kung saan nasamsam ang 500 gramo na shabu na may street value na P3,400,000.00 at 5,000 gramo na pinatuyong dahon ng marijuana na may street value na P 600, 000.00.

Samantala, isinunod naman ang drug bust sa apartment nina Enemuo at Nwong kung saan nakumpiska ang 1000 gramo na shabu na may street value na P6,800,000.00.

Nabatid din sa ulat na may ilang linggong isinailalim sa surveillance ang tatlong drug couriers na sinasabing nagpapakalat ng droga sa Cavite at karatig lalawigan kaya masusing pinagplanuhan ng PDEA ang drug bust operation kung saan nakipagtulungan na rin ang Cavite PNP.

Isinailalim na sa drug test ang mga suspek habang pina- chemical analysis naman sa Provincial Crime Laboratory ang nasamsam na shabu habang inihahanda na ang kaukulang ebidensiya sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA9165 sa Provincial Prosecutor’s Office. MHAR BASCO

Comments are closed.