MAYNILA – NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Mindanao ang tatlong Pakistani na nag-tatrabaho sa nabanggit na lugar ng walang mga working visa at working permit.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga inaresto sa kanilang apelyido na Zada, Ali, at Rahim Muhammad na agad namang dinala sa Bagong Diwa, Taguig City, habang ongoing ang proseso sa kanilang deportation order.
Ayon sa impormasyon na nakarating kay Morente naaresto sina Zada at Ali noong Hulyo 8 ng Mindanao Intelligence Task Group (MITG) ng Bureau of Immigration sa Buner Appliances Store sa may Governor Lim Avenue, sa Zamboanga City, habang si Muhammad ay nasakote sa ikinasang operasyon ng grupo noong Hulyo 10 sa Buner appliances branch sa Isabela City, Basilan.
Nadiskubre ng BI intelligence group na ang tatlong Pakistani ay magkakasama sa isang kompanya na pag-aari ng kanilang kababayan na si Waqar Ahmad, kung saan nahuli rin ito dahil nagtatrabaho rin ng walang kaukulang mga papeles.
May hinala ang military intelligence na itong si Ahmad ay pinaniniwalaang miyembro ng Dawah Islamiyah Group, at kasama o nasa likod ng terror attacks sa Basilan.
Ayon sa pahayag ni Immigration Intelligence Officer Melody Gonzales, hepe ng BI-MITG, si Ahmad ang naging susi upang mahuli ang kanyang mga kasamahan na siyang nagturo sa pinagtataguan ng tatlong Pakistani. FROI MORALLOS
Comments are closed.