3 PANG JIU JITSU FIGHTERS PUNTIRYA ANG GOLD

Jiu Jitsu

PHNOM PENH, Cambodia. – Tatlo pang jiu jitsu fighters ang magtatangkang maduplika ang tagumpay ni gold medalist Kaila Napolis sa 32nd Southeast Asian Games ngayong Sabado sa Chroy Changvar Convention Center dito.

Sasabak sa aksiyon sina Annie Ramirez, Myron Mangubat at Michael Tiu sa pag-asang makahablot din ng ginto sa kani-kanilang event.

Si Ramirez ay sasalang sa women’s ne-waza NOGI 57kg, class, si Mangubat ay lalahok sa men’s ne-waza GI 62kg division, habang si Tiu ay sasabak sa men’s ne-waza GI 69kg class.

Ang golden finish ni Napolis, ang unang mint ng bansa sa games, ay nangangahulugan na kailangan na lamang ng jiu jitsu team ng isang panalo para mapantayan ang two-gold medal haul sa Vietnam Games noong nakaraang taon.

Si Ramirez ay nanalo ng gold sa 62kg class ng huling games.

CLYDE MARIANO