RIZAL- TATLO ang kumpirmadong patay habang lima ang sugatan nang itakas ng isang lalaking may sayad ang mobile patrol sa Brgy. San Juan, Morong sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ni Maj. Rosalino Panlaqui, hepe ng pulisya, ng Morong , kinilala nito ang mga nasawi na sina John Alex Magno, Jonathan Natividad, at isang hindi pa kilala at limang sugatan kasama ang isang pulis.
Habang arestado naman ang suspek na si Jomar Caragdag y, Pineda, 52-anyos na may diperensiya sa pag-iisip at residente ng Morong, Rizal.
Sa isinagawang imbestigasyon ni SSgt. Rexie Rocapor, dakong alas-10:45 ng umaga nitong Miyerkules nang mangyari ang insidente sa Romas St., Brgy. San Juan sa nabanggit na bayan.
Nabatid na ang naka-duty sa mobile patrol sina SSgt. Jerome Feliciano at Pat. Malinis ng Morong PNP at inaayos umano ang kondisyon ng sasakyan nang biglang dumating ang suspek at tinangay ang mobile car na may plakang XOO-452.
Hinabol ng mga pulis ang suspek na tumangay ng patrol car kung saan ay nabundol nito ang mga biktima na noon ay nagbibisikleta at saka bumangga sa poste ng meralco.
Hawak na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong reckless impudence resulting to multiple homicide at multiple serious physical injuries and damage to property.
ELMA MORALES