INAPRUBAHAN kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang trade sa pagitan ng Meralco at ng Blackwater na kinasasangkutan nina Baser Amer, Bryan Faundo at Mac Belo.
Si Belo, ang top pick ng Blackwater sa 2016 special draft sa hanay ng Gilas cadets, ay mapupunta sa Bolts makalipas ang apat na seasons sa Blackwater na ipinamigay ang 27-year-old veteran kapalit nina Amer at Faundo.
Pinangunahan niya ang FEU Tamaraws sa kampeonato at itinanghal na finals MVP ng UAAP 2015 season.
Hindi nga lang niya nakamit ang kaparehong tagumpay sa Blackwater dahil ang kanyang apat na seasons sa Bossing’s ay sinira ng injuries.
Ginugol naman ni Amer ang kanyang unang limang seasons sa Meralco at siya ang starting point guard ng koponan magmula nang magretiro si Jimmy Alapag.
Si 28-year-old Amer, isang three-time All-Star, at si Belo ay magkasamang naglaro para sa Gilas na nagwagi ng gold medal para sa Filipinas sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore.
Bukod kay Amer, dinala rin ng Meralco substitute center/forward Faundo sa Blackwater.
Magiging reunion ito ni Faundo sa Bossing’s, ang koponan kung saan siya naglaro noong 2014-2015 season. CLYDE MARIANO
Comments are closed.