BINURA ni Stephen Curry ang NBA record para sa pinakamaraming career 3-pointers at tumapos na may team-high 22 points nang gapiin ng bisitang Golden State Warriors ang New York Knicks,105-96, Martes ng gabi.
Pumasok si Curry sa laro na nangangailangan lamang ng dalawang 3-pointers upang wasakin ang 2,973 3-pointers na rekord ni Ray Allen at walang sinayang na pagkakataon para umukit ng kasaysayan.
Isinalpak niya ang dalawa sa kanyang unang tatlong attempts, kabilang ang record-breaker — isang 27-footer, may 7:33 ang nalalabi sa opening quarter.
Tinapos ni Curry ang laro na 5 of 14 mula sa arc at nanalo ang Warriors sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro upang iangat ang kanilang NBA-best record sa 23-5.
Umiskor si Jordan Poole ng 19 points habang nagdagdag si Andrew Wiggins ng 18 points para sa Golden State.
Tumipa si Julius Randle ng 31 points para sa Knicks, na natalo ng apat na sunod at pito sa walo. Tumapos si Derrick Rose na may 15 points at nag-ambag si Alec Burks ng 14.
NETS 131,
RAPTORS 129 (OT)
Tumirada si Kevin Durant ng 34 points, 13 rebounds at 11 assists nang pataubin ng short-handed Brooklyn ang Toronto sa overtime sa New York.
Humabol ang Nets mula sa 11-point deficit sa gabing walo lamang ang kanilang players makaraang malagay ang pito, kabilang si James Harden, sa COVID-19 health and safety protocol ng NBA.
Nagdagdag si Patty Mills ng season-high 30 points para sa Brooklyn.
Nanguna si Fred VanVleet para sa Raptors na may 31 points. Kumana sina Gary Trent Jr. at Pascal Siakam ng tig-25 at nakalikom si rookie Scottie Barnes ng 23 points at 12 rebounds.
SUNS 111,
TRAIL BLAZERS 107 (OT)
Kumamada si Deandre Ayton ng 28 points at 13 rebounds at nagdagdag si Chris Paul ng 24 points at 14 assists upang tulungan ang Phoenix na madominahan ang host Portland sa overtime.
Tumipa si Cameron Payne ng 17 points mula sa bench at nagwagi ang Suns sa ika-21 pagkakataon sa kanilang huling 23 games. Umiskor si Cameron Johnson ng 12 sa apat na 3-pointers at nakakolekta ng 8 rebounds habang nagdagdag si Jae Crowder ng 11 points para sa Phoenix.
Nakakolekta si Damian Lillard ng 31 points at 10 assists para sa Portland, na natalo ng anim na sunod at siyam sa nakalipas na 10. Nalasap din ng Trail Blazers ang ika-5 sunod na kabiguan sa home makaraang simulan ang season na may 10-1 run.