KUNG makababalik agad ang PBA ay asahan ang pagdaraos nito ng iba pang events tulad ng All-Star Extravaganza.
Sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) online Forum nitong Martes ay tinalakay ni PBA commissioner Willie Marcial ang kahalagahan ng All-Star Game.
“Kailangan namin ang All-Star Game, diyan kami humuhugot ng pondo para sa Players Trust Fund. Sana magkaroon tayo ng All-Star Game this year,” wika ni Marcial, patungkol sa kita na ibinubuhos sa programa na nagpopondo sa scholarship ng mga anak ng retired PBA players.
Sa kabila ng kinakaharap na pandemya ng bansa, sinabi ng league chieftain na may tatlong lalawigan ang nagpahayag ng interes na i-host ang All-Star Game.
“Sabi namin, hindi ba kayo malulugi (since we’re in trying times). Sabi nila, ‘hindi, sabik na sabik na ang fans sa PBA,’” ani Marcial.
Subalit tulad sa kanilang regular games, nagiging maingat ang mga opisyal ng PBA, at higit na pinahahalagahan ang kaligtasan ng bawat isa.
Gayunman ay iginiit ni Marcial na ang All-Star Game – isang event kung saan nakikihalubilo ang ‘best and brightest‘ ng liga sa fans – ay laging nasa kanilang isip.
Bago ang pandemya, ang liga ay dumayo sa Passi, Iloilo noong 2020, kasunod ng tagumpay ng 2019 event sa Calasiao, Pangasinan.
Sa larong tinampukan ng record number ng dunks at three-pointers, namayani noon ang North All Stars kontra South counterparts, 185-170.
Pinagsaluhan nina Arwind Santos ng San Miguel Beer at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra ang MVP honors. CLYDE MARIANO