PINAG-UUSAPAN na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng mga investor ang tatlong malalaking expressway projects sa Southern Tagalog, Central Luzon, Central Visayas at Davao Region.
Ang mga proyektong ito ay ang 226.5-kilometer Pacific Eastern Seaboard Expressway, na magkokonekta sa Quezon Province papuntang lalawigan ng Aurora, 73.75-kilometrong Metro Cebu Expressway sa pagitan ng Naga City at Danao City; at ang 60-kilometer Davao-Digos Expressway.
Ayon sa project proposal, ang Pacific Eastern Seaboard Expressway ay magmumula sa Atimonan, Quezon, at dadaan sa Mauban, Real, Infanta Quezon at hanggang sa Dingalan, Aurora.
Ito ang magsisilbing alternate route papuntang Central at South Luzon, patungong Metro Manila habang ang Metro Cebu Expressway project ay para sa mga motorista ng north-south backbone highway, para makaiwas sa traffic congestion sa pagitan ng Naga City at Danao City.
Habang ang Davao-Digos Expressway ay magsisimula sa Bukidnon-Davao National Highway ng Davao City, hanggang Digos-Sultan Kudarat Road, at tatagos sa mga munisipyo ng Toril at Santa Cruz.
Ito rin ang magsisilbing alternative route papuntang Davao-Cotabato National Highway (AH26), at North-South Mindanao Corridor. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.