3 SASAKYAN NAGKARAMBOLA

ROAD ACCIDENT-3

MAKATI CITY – TATLONG sasakyan, kabilang ang isang pampasaherong jeep, ang nagkarambola sa isang intersection sa Makati City na nagresulta sa pagkakasugat ng limang katao kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktima na kinilalang sina Lorna Academia, 48, isang kasambahay sa Brgy. Bel-Air Village, Makati City; John Micheal Rondina, 16, ng Brgy. Singkamas, Makati City; Luisito Myonito Vicera, 60, Jasmin Uy Vicera, 18  at Elona Vicera na pawang magkakamag-anak, ay agad na dinala sa pinakamalapit na ospital upang lapatan ng lunas ang kanilang tinamong mga sugat sa katawan.

Ayon sa report ng Makati City police Traffic Bureau, nangyari ang insidente dakong alas-6:00 ka­makalawa ng gabi sa intersection ng northbound lane ng Cloverleaf Bridge at P. Victor St., Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.

Napag-alaman na minamaneho ni Leopoldo Castillo, 60, residente ng Taguig City, ang kanyang pampasaherong jeep na may plakang DMF-418 lulan ang mga nabanggit na biktima at nang pababa na ng Cloverleaf Bridge ay bigla na lamang nawalan ng pre-no ang pampasaherong jeep.

Dulot ng pagkawala ng preno ng minamanehong jeep ni Castillo ay hindi na nito nakontrol ang manibela at sumalpok ito sa cen-ter island hanggang sa umabot ito sa Kanto ng P. Victor kung saan sinalpok nito ang isang Nissan Terra na may conduction sticker F1G127 na minamaneho ni Engineer Dominador Balangue, 46, ng Luzon St., Batasan Hills, Quezon City, at isang Toyota Vios (YU-8865) na minamaneho ni Jaywen Patio, 37, distribution manager,  ng Cainta Rizal, na parehong galing ng northbound lane ng EDSA patungong J.P. Rizal Street.

Sa lakas ng pagkakabangga ng jeep sa dalawang pribadong sasakyan ay nagresulta ito nang pagkasugat ng limang biktima na agad namang isinugod ng Makati City Rescue Team sa pinakamalapit na ospital kung saan binigyan ng lunas ang mga sugat na kanilang tinamo sa aksidente.

Nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to property si Castillo na kasalukuyang nasa kustodiya ng Makati City Police Traffic Bureau.   MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.