ZAMBOANGA CITY- TATLONG kilabot na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf ang napaslang sa isinagawang operasyon ng PNP intelligence group kahapon ng umaga sa karagatan ng Barangay Taluksangay ng lalawigang ito.
Hinihinalang pakay ng mga teroristang grupo na maglunsad ng karahasan nang maganap ang sagupaan habang patungo ang mga ito sa Zamboanga City sakay ng isang pump boat.
Kinilala ni PNP Chief Gen. Debold Sinas ang tatlong suspek na sina Radi Nalul Tahirin, Hasan Alimin at Abdilla Aspalin, pawang mga miyembro ng Daulah Islamiya/ASG.
Ayon kay Sinas ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan ng Regional Intelligence Unit (RIU)-9 ng PNP Intelligence Group kasama ang mga tropa ng 5th Special Action Battalion (5SAB) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) Unit ng PNP-Special Action Force (SAF); Re-gional Maritime Unit (RMU)-9; Regional Intelligence Division, CIDG-9 at Zamboanga City Police Office.
Nagawa pang maitakbo sa pagamutan ang dalawa sa mga suspek subalit idineklara ang mga ito na dead on arrival habang ang pangatlo ay nahulog sa karagatan at pinaghahanap pa sa kasalukuyan.
Narekober ng mga tropa mula sa pump boat ang dalawang caliber .45 pistols at mga pampasabog. VERLIN RUIZ
Comments are closed.