3 SEAL OF EXCELLENCE NAKAMIT NG BIR

INANUNSYO ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. na sa loob ng dalawang taon ng kanyang pamumuno ay nakamit ng ahensya ang tatlong Seal of Excellence: ang 100% Nationwide ISO Certification sa ilang frontline processes, ang Civil Service Commission (CSC) PRIME-HRM Maturity Level II Accreditation at ang National Privacy Commission (NPC) Seal of Registration.

Ang BIR ang kauna-unahang ahensya ng gobyerno sa Pilipinas na nagtamo ng 100% Nationwide ISO Certification sa kanilang serbisyo.

“The BIR’s Three Seals of Excellence, ISO, CSC PRIME-HRM, and NPC Seal of Registration, shows our commitment to good governance. Year after year, the BIR will work towards tax administration reforms that meet international standards” pahayag ni Lumagui.

Sa kasalukuyan, nakamit na ang 100% Nationwide ISO Certification sa ilang serbisyo ng BIR tulad ng Business Registration Processes, Retrieval and Verification ng Batch Control Sheet (BCS) Reports at Tax Returns mula sa Authorized Agent Banks (AABs), pagproseso at pag-iisyu ng Tax Clearance Certificates, pamantayan sa One Time Transactions at pagproseso ng tax returns sa Document Processing Division (DPD).

Ang CSC PRIME-HRM ay nagtatasa ng kakayahan ng ahensya sa human resource management upang makamit ang HR excellence.

Ang BIR National Office at 22 Revenue Regions ay nakatanggap ng CSC PRIME-HRM Maturity Level II Accreditation (Bronze Award) na nagbibigay-daan sa mas mabilis na proseso ng pag-recruit sa mga rehiyon.

Pinapayagan din nito ang mga Regional Director na mag-apruba ng mga orihinal na appointment para sa mga entry-level na posisyon.

Kasama sa mga pribilehiyong ibinigay sa BIR ang:

1. Kapangyarihang mag-apruba ng mga appointment;

2. 20% na diskwento para sa Human Resource Management Officer (HRMO) o kinatawan ng ahensya sa mga pagsasanay at kumperensya ng Civil Service Institute (CSI);

3. Rekomendasyon para sa mga scholarship grant;

4. Nominasyon sa Certification Program para sa mga HRMOs ng CSC;

5. Eksklusibong access sa digital learning resources;

6. Pag-aanunsyo ng mga programa/proyekto ng ahensya sa website ng CSC; at

7. Iba pang benepisyo na maaaring aprubahan ng CSC sa hinaharap.

Sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012 (RA 10173), pormal na iginawad sa BIR ang NPC Seal of Registration bilang pagkilala sa pagsunod sa mga regulasyon sa privacy at pangangalaga sa datos ng mga taxpayer.

RUBEN FUENTES