BULACAN- NAHAHARAP ngayon sa kasong paglabag sa Sec. 5 in relation to Sec. 26, 11 Art. II ng RA 9165 at RA 10591 ang tatlong tulak kabilang ang isang babae matapos ang isinagawang buy bust operation sa Brgy. Lambakin, Marilao sa lalawigang ito.
Sa report na tinanggap ni PNP Provincial Director Col. Relly Arnedo, kinilala ang mga suspek na sina Ryan Padilla Satera, 33-anyos, alyas Jack-jack na kabilang sa High Value Individual; Ramon Christopher Alluso Martinez, 32-anyos, kapwa tubong Tondo, Manila at Ma.Christina Parañal Mostar, 35- anyos, tubong Meycauayan City, canteen owner, kapwa residente ng Blk. 36 Lot 13 Northville 4B, Brgy. Lambakin sa nabangit na bayan.
Base sa paunang imbestigasyon nina Pat.John Melvin Nolasco at SSg John Edward Gerochi, isinagawa ang buy bust ganap na alas-2:10 ng madaling araw nitong Huwebes.
Nagpanggap na poseur buyer ang isa sa mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na makumpiskahan ng 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P68K.
Bukod dito, nakuha rin sa mga suspek ang isang cal.45 at cal.38 na baril na kapwa loaded ng bala at isang motorsiklo na may plakang 1484TF na kulay pula at buy bust money.
Samantala, detenido ngayon ang mga suspek sa Marilao Municipal Jail.
THONY ARCENAL