3 TUMBA AT 78 SUGATAN SA AKSIDENTE

Aksidente

QUEZON – TATLO ang patay at 78 ang sugatan matapos magsalpukan ang isang AMV Travel and Tours Bus na may temporary plate na 050404 at may body number na 8025 at isang wing van truck na may plate number na AAQ-8534 sa may bahagi ng Brgy. Sta Ca­talina, Atimonan.

Kinilala ng Atimonan PNP na pinamumunuan ni Police Major Encio ang 3 nasawing sina Be­nedict Borja Belencio, 29 anyos, truck driver, at residente ng Brgy. Calabanga Camarines Sur; Michael Gerona Sy, 28-anyos, truck passenger, residente ng Bulala, Sta. Elena, Ca­marines Sur at Pio Jacob Del Monte, 46-anyos,  bus passenger, residente ng Lipa City, Batangas na pare-parehong nagtamo ng sugat. Nakilala naman ang suspek at bus driver na si Maximo Panelo, 61-anyos, residente ng Number 123, 11th Ave­nue B. Serrano, Grace Park, Caloocan City na nagtamo rin ng mga minor injury.

Base sa report ng pulisya dakong alas-6 ng gabi habang tinatahak ng truck ang kahabaan ng diversion road patungo ng Maynila nang makabangga nito ang bus na nag-overtake na papunta naman ng Bicol.

Agad na namatay ang driver ng truck at kasama nito matapos maipit sa kanilang sasakyan, mabilis namang nakatawag ng tulong ang mga residente na malapit sa pinangyarihan ng aksidente sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Rescue Team ng LGU Atimonan.

Naidala ang mga sugatang pasahero ng bus sa Doña Martha Memorial Dist.  Hosp., Nuestra Seniora Delos Angeles General Hosp. at ang iba ay dinala sa mga ospital sa lungsod ng Lucena na kasalukuyan ng ginagamot.

Ayon kay Major Encio, nasa kustodiya at nakakulong na sa Atimonan PNP ang bus driver na si Panelo at nakatakdang sampahan ng mga kasong multiple homicide, multiple physical injury and damage to property. BONG RIVERA

Comments are closed.