DEDBOL ang tatlo sa apat na hinihinalang drug pushers matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagkasa ng buy bust operation kontra sa mga suspek sa Navotas City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas ang mga nasawing suspek na si Arnel Bagamasbad alyas “Arabo”, 33, ng Blk 20 Lot 6 Champaca St., Brgy. NBBS Proper, alyas “Gurang” at alyas “Buwaya”, habang tinutugis na ng mga pulis ang isa nilang kasabwat na si alyas “Vandam”.
Ayon kay P/Col. Balasabas, dakong alas-2:51 ng madaling araw nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Eric Roxas ang buy bust operation kontra sa mga suspek sa kahabaan ng North Bay Blvd. Champaca St., Agora Market, Brgy. NBBS Proper.
Matapos iabot ng mga suspek ang isang sachet ng shabu sa poseur-buyer, natunugan ng mga ito na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya agad naglabas ang mga suspek ng baril at pinaputukan ang mga operatiba.
Napilitan namang gumanti ang mga pulis at matapos ang palitan ng mga putok, nakitang nakabulagta ang tatlong suspek habang nagawang makatakas ang isang kasama ng mga ito.
Narekober ng mga tauhan ng SOCO sa mga nasawing suspek ang isang cal. 9mm pistol, dalawang cal. 45 pistol, limang malalaking plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu at P300 buy bust money.
Sinabi ni Balasabas na bago ang operation, isang linggong isinailalim sa surveillance operation ng kanyang mga tauhan ang grupo ni Bagamasbad kasunod ng natanggap na tip mula sa concerned citizen hinggil sa kanilang ilegal na aktibidad. VICK TANES