BAGUIO CITY – KALABOSO ang binagsakan ng 3 turista makaraang maaktuhang nagbenta ng P340k halaga na shabu sa isinagawang anti-drug operation ng pulisya at PDEA-Baguio sa bahagi ng Purok 4 sa Barangay Poliwes, Baguio City noong Biyernes ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga suspek na sina John Charlei Mutuc alyas Marco Paolo Mutuc, 26, ng Brgy. Kias, Baguio City; Michael Llamas Evangelista, 20, ng Brgy. Bayo Tipas, Taguig City; at si Dronie Masdo, 39, ng Brgy. Wawa, Taguig City.
Base sa police report, lumilitaw na isinagawa ang buy bust operation sa pangunguna ni Intelligence Agent Laila Abad laban sa mga suspek kung saan nagpanggap na buyer ang isang pulis-Baguio.
Kumagat naman sa drug operation ang mga suspek kaya kaagad na pinosasan makaraang makumpiskahan ng 50 gramo ng shabu na may street value na P340k.
Isinailalim sa drug test at physical examination ang mga suspek habang pina-chemical analysis naman ang nasamsam na shabu na gagamiting karagdagang ebidensya sa kasong isasampa sa Prosecutors Office. MHAR BASCO