30 SEKYU DINISARMAHAN

RIZAL- DINISARMAHAN at nakatakdang kasuhan ng pamunuan ng PNP Region 4A ang 30 security guards na kumubkob at nagbarikada sa 2,700 ektaryang lupain sa Masungi Georeserved Forest sa Km.48, Marikina- Infanta Highway, Tanay sa lalawigang ito.

Walang nagawa ang mga sekyu nang kumpiskahin ng mga operatiba ng PNP Regional Civil Security ang 12 shotgun at 3 cal.38 revolver na umano’y ipinananakot sa mga residente sa lugar.

Ayon kay BGen. Jose Melencio Nartatez, acting PNP regional director, ang mga nasabing security guards ng Sinagtala Security Agency ay inatasan umano ng isang retired military official na magbantay at barikadahan ang daraanan ng mga residente.

Sa pahayag ni Anne Dumailang , trustee ng nasabing ng National Geographical Exploration at ng Masungi Georeserved Forest , nagsimula umanong kubkubin ng mga nabanggit na kalalakihan ang lugar nitong nakaraang Linggo.

Ayon pa kay Dumailang, ang lupa ay idineklarang pag- aari ng pamahalaan sa bisa ng Presidential Decree #57, taliwas sa umano’y ipina- survey na nagpapakilalang retiradong military official.

Sinabi naman ni Nartatez na hindi hahayaan ng pulisya ng Region lVA na mamayani ang paghahasik ng gulo ng sinuman lalo’ t kapakanan ng mahihirap na Pilipino ang nakasalalay.

Ilang residente sa lugar ang nagsabi na wala umanong nagawa ang tanggapan ng DENR Region 4A para mapigilan ang pag-okupa ng mga nasabing grupo sa Masungi forest.

Sinubukan naman kunin ng Pilipino Mirror ang panig ng pamunuan ng DENR 4A subalit hindi sila nagpaunlak ng panayam. ARMAN CAMBE