CAGAYAN – UMABOT na sa 30 tricycle drivers sa lungsod ng Tuguegarao ang hinuli ng pulisya na naniningil ng sobra-sobra at namimili pa umano sila ng pasahero lalo na’t sumasapit na ang gabi, rush hours at umuulan.
Ayon kay Lt. Col. George Cablarda, hepe ng Tuguegarao City Police Station, nagsagawa ng operasyon ang kanilang hanay laban sa mga tricycle driver makaraang makatanggap sila ng mga reklamo mula sa mga pasahero dahil sa sobrang paniningil at namimili pa ang mga driver ng kanilang isasakay na pasahero lalo na ngayong nakararanas na ng pag-uulan sa kalunsuran.
Bagaman may ordinansa na ang siyudad ng Tuguegarao na P12 ang kailangang ibayad ng pasahero sa mga tricycle, ay hindi umano sinusunod ng mga abusadong tricycle driver ang nasabing ordinansa.
Napag-alaman pa ng PILIPINO Mirror na karaniwang sinasabi ng mga driver ng tricycle ang katagang ‘’Double, Capacity, at Special’’ na kapag nag-iisa kang sasakay sasabihin sa iyo ‘’Double,’’ na ang ibig sabihin doble ang bayad mo.
Kapag umuulan may code na ‘’capacity’’ na ang ibig sabihin ay apat na pasahero ang babayaran, at pag gabi na at mangilan-ngilan na lang ang pumapasadang tricycle, ganito naman ang maririnig mo ang “special” na malayo at malapit umano ay magbabayad ng P35 hanggang P60. IRENE GONZALES
Comments are closed.