300 EMPLEYADO NG STAR CITY BIBIGYAN NG TRABAHO

Emi Calixto-Rubiano

PASAY CITY – MAGKAKAROON ng kaunting ningning sa darating na Kapaskuhan ang nasa 300 empleyado na apektado ng nasunog na Star City kamakailan makaraang pagkalooban ang mga ito ng pansamantalang trabaho ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.

Ang mga apektadong empleyado ay binigyan ni Mayor Calixto-Rubiano ng 30-araw na trabaho na itatalaga sa iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Panglungsod gayundin sa mga barangay sa naturang siyudad.

Ayon kay Filipinas Sampang, hepe ng Public Employment Service Office (PESO), ang pagtulong sa mga empleyadong biktima ng sunog sa Star City ay direktiba ni Mayor Calixto-Rubiano alinsunod na rin sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pagkalooban ang mga biktima ng emergency employment assistance upang matulungan ang mga ito kahit na sa maliit na pamamaraan lamang sa kanilang pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Bukod sa tulong ng lokal na pamahalaan, ina­lok din ng DOLE ang kanilang emergency employment program na “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers” kung saan may pondo itong P5.5 milyon.

Sa panayam kay Alma dela Cruz, ride attendant sa Star City, lubos ang kanyang pasasalamat dahil malaking tulong diumano para sa kanya ang makapagtrabaho kahit pansamantala lamang sa Pasay Public Information Office (PIO) bilang kawani ng news monitoring team.

Pasasalamat din ang namutawing salita kina Carmen Francisco at Rochelle Andrea Agustines, kapwa ride attendant, na nagsabing malaking tulong sa darating na Pasko para sa kanilang pamilya ang pansamantalang trabaho na naipagkaloob sa kanila.

Matatandaang nasunog ang malaking bahagi ng naturang amusement park apat na linggo na ang nakakaraan kung saan naiulat na 25 na indoor rides at attractions ang nasira sa sunog. MARIVIC FERNANDEZ