HANDANG-handa ang NPF Mega vaccination site sa ipinatupad na tatlong araw na pagbabakuna na nagsimula kahapon.
“Hinihikayat namin ang lahat na samantalahin ang mga libreng bakuna sa bansa. Ang SIVC – NPF ay handa na sa Pambansang Araw ng Pagbabakuna dahil ito ay may kakayahang magdisenyo upang mag-inoculate ng 15,000 tao sa isang araw,”ani Christian R. Gonzalez, ICTSI executive vice president.
Sa kasalukuyan, ang pasilidad ng NPF ay may walong ambulatory vaccination center at 30 drive-through booths. Ito ay ang kauna-unahang mega vaccination site sa bansa na nagsisilbi sa mga residente mula sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Ang SIVC–NPF ay matagumpay nang naibigay sa pamahalaang lokal ng Lungsod ng Parañaque kung saan ang ICTSI ay patuloy na tumutulong sa operasyon ng lugar pagbabakuna. Upang magparehistro, mag-log on sa https://vax.captivate.ph/ at sagutan ang online form. Kapag nakumpleto na, hintayin ang text advisory sa petsa at iskedyul ng pagbabakuna kasama ang isang link sa isang QR code.
Ang inisyatiba sa pagbabakuna ng International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) at Bloomberry Resorts Corp. (BRC) ay nakapagturok na ng higit 300,000 doses ng bakunang Moderna mRNA mula nang magbukas ang mga bakunahan sa Solaire Resort at sa ari-arian ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) sa kalagitnaan ng taon.
Ang Solaire-ICTSI Foundation Vaccination Center–Nayong Pilipino Foundation (SIVC-NPF) na nagbukas noong Agosto ay nakapagbakuna na ng higit 158,515 doses samantalang higit 150,737 doses na ang naibakuna sa SIVC – Solaire na nagbukas noong Hunyo para sa pinagsamang 309,252 doses ayon sa huling tala noong Nob. 22.
Ang SIVC-NPF ay nangangasiwa ng halos 1000 doses araw-araw, habang ang SIVC- Solaire ay nangangasiwa ng humigit-kumulang 600 na doses araw-araw. Naitala ng dalawang site ang pinakamataas na rollout noong Nobyembre 13 na may pinagsamang kabuunang 5,537 doses.
“Nagpapasalamat tayo sa aming tagapangulo na si Mr. Enrique K. Razon Jr. sa pagtataguyod ng pagbabakuna upang mag-trigger ng pagbabago para sa ating mga komunidad at sa ating ekonomiya,”ayon kay Gonzalez.
Ang mga pasilidad ay state of the art, malinis, at komportable, at pinamamahalaan ng mga sinanay na doktor at nars, IT staff, at security personnel.
Matatagpuan sa New Seaside Drive sa PAGCOR Entertainment City, ang site ay madaling ma-access sa pamamagitan ng NAIAX, CAVITEX, SKYWAY, SLEX, Coastal Road, Macapagal Boulevard, at Roxas Boulevard. Sa mga hindi motorista, mayroong shuttle service papunta at mula sa SM Sucat. VICKY CERVALES