($31.5-M option deal sa Warriors tinanggihan) DURANT FREE AGENT NA

Durant

SAN FRANCISCO – Ibinasura ni Golden State Warriors star forward Kevin Durant ang $31.5-million option para sa susunod na season at isa na ngayong  unrestricted NBA free agent.

Si Durant, ang 2017 at 2018 NBA Finals Most Valuable Player at 2014 NBA MVP, ay nagtamo ng right Achilles tendon injury sa se­cond quarter ng Game 5 ng NBA Finals laban sa Toronto Raptors ka­makailan at sumailalim sa operasyon sa New York.

Ayon sa report ng ESPN, ang 30-anyos na si Durant at ang business manager nitong si Rich Kleiman ay kasaluku­yang nasa New York para suriin ang opsiyon nito bilang free agent.

Kahit inaasahang hindi makapaglalaro si Durant sa buong 2019-2020 season ay napaulat na nagpahayag ng interes ang Brooklyn Nets, New York Knicks at Warriors na pumirma sa kanila si Durant ng maximum contract.

Si Durant ay may average na 26.0 points, 6.4 rebounds, 5.9 assists at 1.1 blocked shots kada laro para sa Warriors ngayong season at pinalobo ang kanyang  produksiyon sa 32.3 points at 7.7 rebounds kada laro sa playoffs hanggang sa magtamo ng right calf injury at lumiban sa siyam na laro bago ang kanyang maikling pagbabalik sa NBA Finals.

Si Durant ay inaasahang makatatanggap ng maraming alok sa pagbubukas ng NBA free agency sa Linggo.  Bagama’t ang terms ng deals ay maaaring matapos nang maaga, nakasaad sa NBA rules na walang bagong kontrata ang maaaring lagdaaan hanggang Hulyo 6.

Bukod kay Durant, sina Boston’s Kyrie Irving, Toronto’s Kawhi Leonard at Golden State guard Klay Thompson ay inaasahang magiging kabilang sa iba pang top free agents, bagama’t si Thompson ay nagtamo ng torn left knee ligament sa Game 6 ng NBA Finals at hindi rin makapaglalaro sa malaking bahagi ng susunod na season.

Comments are closed.