CAMP CRAME – DAPAT manahimik ang mga pulis na nasa druglist habang iniimbestigahan ng National Adjudication Board (NAB).
Ito ang inihayag ni PNP Chief General Archie Francisco Gamboa dahil mayroon aniya siyang general instruction sa mga pulis na huwag magsalita habang dinidinig ang kanilang mga kaso.
Kung may problema aniya ay dapat maayos ito sa kanilang hanay na lamang at huwag nang isapubliko.
Pero, sinabi ni PNP chief na hindi pa sa ngayon maituturing na insubordination ang ginagawa ni Espenido dahil sa kaliwa’t kanang pagpapaliwanag nito sa media.
Sinabi ni Gamboa, magsasagawa sila ng hiwalay na imbestigasyon sa pagsasalita ni Espenido sa publiko.
Una nang sinabi ni Gamboa na ang inihayag ni Espenido ay internal issue nila. REA SARMIENTO