36-ANYOS NA OFW PATAY SA SLOVAKIA SA PAGTATANGGOL SA 2 BABAE

dead

SLOVAKIA – Patay ang isang 36-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) sa isang ospital sa Slovakia ilang araw matapos bugbugin dahil sa pagtatanggol sa dalawang babaeng inaabuso, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Kinilala ng DFA ang biktima na si Henry John Acorda, 36, empleyado ng isang multinational company.

Namatay si Acorda sa University Hospital Ruźjnov noong May 31 sanhi ng mga tinamong pinsala dahil sa pag-atake sa kanya sa Bratislava, kabisera ng Slovakia, noong May 26.

Nangako naman si Philippine Foreign Secretary Alan Peter Cayetano na mananagot ang mga may sala sa pagkamatay ni Acorda.

Aniya, isang bayani si Acorda na dapat kilalanin ang kabayanihan.

Ayon sa DFA, nakakulong na ang isang 28-anyos na Slovak na may kaugnayan sa insidente at nakasuhan na rin ng “manslaughter.”

Dumating na rin sa Slovakia ang ina at dalawang kapatid ni Acorda upang maipadala ang kanyang bangkay sa Pilipinas.  NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.