BAGO ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa darating na Mayo 1, nagsagawa na ng job fair ang local government unit (LGU) ng Marikina at tanggapan ni Marikina City 1st District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro sa Marikina City Hall nitong Sabado.
Ayon kay Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, may kabuuang 36 na lokal na kumpanya ang lumahok sa job fair na inorganisa ng pamahalaang lungsod sa pakikipagtulungan ng JCI Marikina Marikit.
“Mayroon tayo dito 36 na employers na naririto ngayon. Pati yung SSS at PAG-IBIG naririto na rin.
Kasama rin yung Labor and Employment Office natin para makapagbigay ng advice sa mga job seekers natin,” ani Mayor .
Sinabi pa ng alkalde na layunin ng job fair na mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga residente ng Marikina sa paghahanap ng trabaho.
“Ang ginagawa natin ay iniipon natin ang iba pang kumpanya dito. Na i-screen din natin sila. Hindi sila pwedeng mag-offer ng trabaho sa job fair natin ng walang accreditation ng Department of Labor and Employment. This is also a protection for our mga naghahanap ng trabaho,” anang alkalde.
“Ang maganda dito, iyong mga job seekers natin, hindi na kailangang magpalipat-lipat pa sa iba pang pag-aaplayan,” dagdag pa nito.
Nabatid na may kabuuang 222 jobseekers ang nakarehistro sa job fair na kanilang inorganisa at hindi eksklusibo sa mga residente ng Marikina, idiniin na ang mga oportunidad sa trabaho ay magagamit ng lahat.
“We give priority doon sa mga taga Marikina pero its not exclusive for Marikina residents , ang trabaho ay para sa lahat at hindi para sa isang lugar lang,” ani Mayor.
Kabilang sa mga kumpanyang lumahok sa Marikina job fair ay ang Business Process Outsourcing (BPO) firms, bangko, hotel, transportation companies, food chains, grocery chains, telecommunications companies, construction firms, health facilities, at marami pang iba.
ELMA MORALES