37 BLOKE NG COCAINE LUMUTANG SA DAGAT

COCAINE

NAAALARMA ang Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency nang matagpuan ng isang mangingisda ang may  37 bloke ng hinihinalang cocaine na nakalutang sa dalampasigan ng Purok 2, Barangay Poblacion, Dinagat Island.

Sa ulat ng Cagdianao Municipal Police Station alas-5:30 ng hapon noong Martes nang makita ng mangingisdang si Gonie Curada ang bloke-blokeng cocaine.

Agad itong ipinagbigay alam sa mga tauhan ng Cagdianao Municipal Police station at dinala ang nasabing kontrabando sa tang-gapan ng Regional Crime Laboratory ng Police Regional Office 13 sa Butuan City para isailalim sa pagsusuri.

Gayundin, humingi na ng tulong ang PDEA sa military at PNP partikular sa PNP Maritime Group na manmanan ang mga kara-gatan na posibleng ginagamit ng sindikato sa pagpupuslit ng droga.

Nito lamang nakalipas na araw, nakarekober din ang mga awtoridad ng mga bloke ng cocaine sa karagatang sakop naman ng bayan ng Vinzons sa Camarines Norte.

Iniimbestigahan na rin kung may koneksiyon ang natag­puang cocaine sa Dinagat Island sa drogang nakita sa Camarines Norte.

Pinuri naman ni PNP Spokesman Senior Supt. Bernard Banac ang mangingisda dahil sa pakikiisa at pagiging mapagmatiyag. VERLIN RUIZ/ EUNICE CELARIO

Comments are closed.