38,000 CAREER POINTS KAY ‘KING JAMES’

NAGING ikalawang player pa lamang si LeBron James sa kasaysayan ng NBA na umiskor ng mahigit sa 38,000 career points nitong Linggo subalit nalasap ng kanyang Los Angeles Lakers ang ikatlong sunod na kabiguan sa 113-112 loss sa Philadelphia 76ers.

Si James ay pumapangalawa kay fellow Laker Kareem Abdul-Jabbar na may 38,387 points sa NBA’s all-time career scoring list at inaasahang malalagpasan niya ito sa mga darating na linggo.

Nagbuhos si James ng 35 points, 10 assists at 8 rebounds para sa Lakers, nalagpasan ang 38,000-mark sa first quarter, at ang kanyang achievement ay kinilala ng crowd at players.

Subalit makaraang matalo ang Lakers, kung saan nanguna si Joel Embiid na may 35 points at 11 rebounds para sa 76ers, si James ay nawalan na ng gana na ipagmalaki ang kanyang personal milestone.

Bulls 132, Warriors 118

Humakot si Nikola Vucevic ng 43 points upang pangunahan ang Chicago Bulls sa panalo laban sa slumping NBA champion Golden State Warriors.

Naitala ni Montenegrin star Vucevic ang kanyang ika-9 na sunod na double-double makaraang mag-step up sa pagkawala ni injured DeMar DeRozan upang tulungan ang Bulls na putulin ang three-game losing streak sa Chicago’s United Center.

Ang performance ni Vucevic ang centerpiece ng balanced all-round offensive display ng Chicago, na may anim na players na tumapos na may double-digit points tallies.

Nagdagdag si Zach LaVine ng 27 points habang tumipa sina Alex Caruso at Ayo Dosunmu ng tig-12 points. Nag-ambag si Coby White ng 15 mula sa bench.

“I got going really early,” sabi ni Vucevic makaraang magtala ng 18-for-31 mula sa field na may limang three-pointers. “It’s hard to explain. You just get this feeling within yourself that it’s kinda gonna be your night and you just play.

“We really moved the ball. We really played aggressively offensively and I was able to get into my spots.”

Nuggets 119, Magic 116

Kumana si Nikola Jokic ng three-pointer, may 1.2 segundo ang nalalabi, upang ihatid ang Western Conference leading Denver Nuggets sa panalo kontra Orlando Magic.

Naitala ni Jokic ang kanyang ika- 12 triple double sa season na may 17 points, 10 rebounds at 14 assists.

Sa iba pang laro, umiskor si Julius Randle ng season-high 42 points nang makopo ng New York Knicks ang ikatlong sunod na panalo sa 117-104 pagdispatsa sa Detroit.

Kumalawit si Randle ng 15 rebounds habang tumapos si teammate Jalen Brunson na may 27 points sa panalo para sa Knicks, na nasa sixth spot sa Eastern Conference table.

Samantala, tumirada si Damian Lillard ng 40 points para sa Portland Trail Blazers na namayani kontra Dallas Mavericks, 140-123.