PUMALO na sa mahigit 80,000 ang bilang na naitatala ng Department of Health (DOH) na coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa Filipinas.
Batay sa datos ng Department of Health, nasa kabuuang 80,448 ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala pa ng 2,110 na bagong virus infection hanggang alas-4 ng hapon nitong Hulyo 26.
Karamihan ng mga bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 1,345 cases. Sinundan naman ito ng Cebu na may 304 cases; Laguna na may 109 cases; Negros Occidental na may 66 cases; at Rizal na may 40 cases.
Ang magandang balita naman, may 382 pang bagong naitalang nakarekober mula sa virus kaya’t nasa 26,110 na ngayon ang kabuuang bilang ng COVID-19 recoveries sa bansa.
Samantala, mayroon namang 39 na naitalang nasawi dahil sa virus kabilang dito ang 35 na nasawi nitong Hulyo; dalawa ang namatay noong Hunyo at dalawa pa noon namang Abril.
Ang 17 sa mga nasawi ay mula sa NCR; 14 ang mula sa Region 7; dalawa mula sa Region 4A; dalawa mula sa Region 9; dalawa mula sa Region 11; isa mula sa Region 1 at isa naman sa Caraga Region.
Sa ngayon, umakyat na sa 1,932 ang COVID-19 death toll sa Filipinas.
Inulat naman ng DOH na may 74 silang inalis mula sa kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa na kanilang iniulat. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.