3RD STRAIGHT WIN SA LADY EAGLES

UAAP SEASON 81

Mga laro sa Miyerkoles:

(Filoil Flying V Centre)

8 a.m. – UE vs FEU (Men)

10 a.m. – DLSU vs UST (Men)

2 p.m. – UE vs FEU (Women)

4 p.m. – DLSU vs UST (Women)

NAGHAHANDA para sa kanilang pinakaaabangang duelo sa University of the Philippines, nadagit ng Ateneo ang ikatlong sunod na panalo habang binigyan ng Adam­son University ang kanilang bagong coach na si Onyok Getigan ng  triumphant debut sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Humataw si Kat Tolentino ng tatlong blocks at dalawang service aces upang tumapos na may 13 points, habang napi­gilan ni Maddie Madayag ang tatlong attacks para sa 11-point effort nang magaan na dispatsahin ng Lady Eagles ang University of the East, 25-15, 25-21, 25-16.

Nagbuhos si Bern Flora ng 15 points at 8 digs, habang nag-ambag si Eli Soyud ng 13 markers nang maiposte ng Lady Falcons ang 25-15, 25-19, 25-22 sweep sa  National University upang putulin ang three-game losing skid.

Patuloy sa pagba­ngon ang Ateneo mula sa season-opening loss sa defending champion De La Salle, at nasiyahan si coach Oliver Almadro sa ipinakita ng kanyang tropa na tinapos ang laro sa loob ng isang oras at 21 minuto.

“I would like to thank my players for accepting my challenge that we should win convincingly,” wika ni Almadro.

Sa panalo ay suma­lo ang Lady Eagles sa liderato sa Lady Spikers at Lady Maroons.

Susunod na makakalaban ng Ateneo ang UP,  na ipinalasap sa De La Salle ang unang kabiguan nito sa season sa pamamagitan ng 21-25, 25-20, 25-21, 20-25, 15-12 panalo, sa Linggo.

Sa men’s division, bumanat si Bryan Bagunas ng 24 points, kabilang ang limang blocks, nang pataubin ng NU ang Adamson University, 25-22, 25-18, 25-16, upang makatabla ang biktima nito sa 3-1 sa ikalawang puwesto.

Nagtala naman si Tony Koyfman ng tatlong blocks para sa 13-point outing nang putulin ng Ateneo ang two-game slide sa 25-22, 25-19, 25-11 pagbasura sa  UE.

Nanguna si Judith Abil para sa Lady Warriors na may 14 attacks at 18 receptions, gumawa si Meanne Mendrez ng 9 hits at 4 digs, at nakakolekta si  libero Kath Arado ng 13 digs.