3RD STRAIGHT WIN SA MIGHTY SPORTS

MIGHTY SPORTS

SA WAKAS ay ipinaramdam nina Juan Gomez de Liaño at Thirdy Ravena ang kanilang presensiya nang rumolyo ang Mighty Sports-Creative Pacific sa ikatlong sunod na panalo sa pamamagitan ng 84-66 paglampaso sa ES Rades ng Tunisia sa  31st Dubai International Basketball Championship noong Lunes ng gabi sa Shabab Al Ahli Club sa United Arab Emirates.

Ang dating collegiate rivals ay nagsanib-puwersa para sa anim na triples kung saan nagposte si De Liaño ng University of the Philippines ng impresibong 4-of-5 shooting mula sa 3-point area para sa 12 points, habang nagdagdag si Ravena, dating Ateneo superstar, ng 8 points sa 2-of-5 shooting upang tulungan ang Mighty Sports-Creative Pacific na maitala ang kanilang unang blowout win matapos ang mahirap na dalawang panalo.

Nanalasa ang PBA hopefuls sa third na nagbigay sa Mighty Sports-Creative Pacific ng 63-54 kalamangan papasok sa payoff period.

Nanguna sina naturalized Filipino Andray Blatche at World Cup veteran Renaldo Balkman sa kalagitnaan ng fourth quarter upang tuluyang makalayo ang koponan na ikinatuwa nina team owners Alexander Wongchuking at Bong Cuevas at ng daan-daang wildly-cheering Filipino fans.

“It’s a good win for us,” wika ni coach Charles Tiu na agad na inialay ang panalo kay NBA legend Kobe Bryant na nasawi sa isang helicopter crash noong Linggo sa LA.

“I’m happier this time coz two of our local standouts finally showed what they are capable of,” ani Wongchuking.

Sa ikatlong sunod na laro ay tumapos si 6-foot-10 Blatche na may double-double 18 points at 13 boards bukod sa pagposte ng limang assists, habang tumipa rin si Balkman ng 18 points at 6 boards.

Umaasa si Tiu na magagamit ang panalo bilang karagdagang motibasyon sa kanilang pagsagupa sa last year’s runner-up Beirut Sports Club para sa top seeding sa Group B sa Martes, alas-9 ng gabi (1 a.m. Wednesday PH time).

Bagama’t sigurado na sa isang quarterfinals berth, kailangang manaig ng Mighty Sports-Creative Pacific laban sa Lebanese squad upang makaharap ang No. 4 team sa Group A ng 11-team tournament.

“We need to sweep our group elims for better chances in the semis,” said Wongchuking.

Iskor:

Mighty Sports-Creative (84) – Blatche 18, Balkman 18, Kendrick 13, Gomez de Liano 12, Ravena 8, Malonzo 4, Williams 3, Go 3.

ES Rades (66) – Grady 17, Qannouni 13, Dayfallah 9, Elahi 7, Tramesh 6, Alshanoufi 5, Okoroh 4, Buallaq 3, Rudsli 2.

QS: 19-18, 41-34, 63-54, 84-66.