3RD STRAIGHT WIN TARGET NG BOLTS, BOSSING

pba

Mga laro bukas:
(Ynares Arena- Pasig)
5 p.m. – Blackwater vs Meralco
7:30 p.m. – NorthPort vs Phoenix

ANG pakinisin ang kanilang laro habang magkaroon ng matikas na pagtatapos ang parehong layunin ng Meralco at Blackwater sa kanilang paghaharap sa PBA On Tour ngayong Biyernes sa Ynares Arena sa Pasig.

Nakatakda ang laro sa alas-5 ng hapon.

Ang Bolts at Bossing ay kapwa nanalo sa kanilang huling dalawang laro at hangad na matikas na tapusin ang kanilang pre-season campaign sa pagwawagi sa kanilang mga nalalabing laro sa 11-game tournament.

Matapos ang Blackwater, tatapusin ng Meralco (6-3) ang kanilang asignatura kontra Rain or Shine sa July 28 habang susunod na makakaharap ng Bossing ang Elasto Painters sa susunod na Linggo bago sagupain ang TNT sa July 30 — ang huling araw ng preseason series.

Pangungunahan ni dating Blackwater ace gunner Alein Maliksi ang opensiba ng Meralco laban sa dati niyang koponan katuwang sina Alvin Pasaol, Kier John Quinto, Cliff Hodge, at Franky Johnson kontra Renato Ular, JV Casio, Rey Suerte, Barkley Ebona, Rashawn McCarthy at dating Bolt Baser Amer.

Si Pasaol ang nanguna sa Meralco kontra NLEX kung saan kumamada ang rookie mula sa Davao ng 25 points at limang rebounds.

Galing ang Blackwater sa magkasunod na panalo laban sa Phoenix Super LPG at San Miguel Beer, kapwa sa two-point decisions, upang umangat sa 5-3 record.

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay magsasalpukan ang NorthPort at Phoenix.

-CLYDE MARIANO