3RD WIN KINALAWIT NG BLUE EAGLES

Mga laro bukas:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – AdU vs UE

12 noon – UP vs NU

4 p.m. – Ateneo vs UST

6 p.m. – DLSU vs FEU

PATULOY sa pag-ahon ang titleholder Ateneo mula sa 0-3 simula sa  25-14, 20-25, 25-11, 25-14 pagdispatsa sa University of the East sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.

Sa kanilang ikatlong panalo sa anim na laro, ang Blue Eagles ay sumampa sa  .500 mark sa unang pagkakataon ngayong season, subalit higit pa ang inaasahan ni coach Oliver Almadro sa kanyang tropa ngayong nasa kalagitnaan na ang eliminations

“We’re not counting the streak e, we just want to be better every game and this game is not different from the other games we have to prepare rin for UE,” sabi ni Almadro.

“We know for a fact naman na lumalaban talaga sila and kapag hindi mo binantayan yung counter attack nila, they will really hit on you like what happened on our second set,” dagdag pa niya.

Tatapusin ng Ateneo ang kanilang first round assignment kontra University of Santo Tomas sa rematch ng 2019 Finals bukas.

Nauna rito ay ginapi ng La Salle ang University of the Philippines, 25-12, 25-17, 25-19, para sa ika-4 na panalo sa anim na laro.

Muling nanguna si Faith Nisperos para sa Eagles na may 19 points, kabilang ang tatlong service aces, at pitong receptions habang nag-ambag si Vanie Gandler ng 3  aces para sa 16-point outing at 14 digs.

Sinandigan ng rookies ang Lady Spikers sa pangunguna ni Alleiah Malaluan na may 16 points at 5 receptions habang kumana si  Fifi Sharma ng 3  blocks para sa 10-point effort.

“Well UP started strong talaga so coming into this game talagang double time yung paghahanda ng team so the fact na maglalaro pa lang kami ng first game namin, yung first match gn 10 o’ clock so ‘di rin namin alam kung paano gagalaw yung team,” wika ni assistant coach Benson Bocboc matapos ang laro na tumagal ng  isang oras at 24 minuto.

“Buti naman kahit papaano nakapag adjust and then sa tingin ko nahirapan din yung UP sa galawan so nakakuha tayo ng advantage on that,” dagdag pa niya.