PANGUNGUNAHAN ng apat na Ginebra players at tatlong San Miguel players ang Filipinas sa pagsagupa sa Kazakhstan sa fifth window ng FIBA World Cup Asian qualifiers bukas sa Mall of Asia Arena.
Sina Japeth Aguilar, Greg Slaughter, LA Tenorio at Scottie Thompson ng Ginebra ay kabilang sa 12 players na pinangalanan sa line-up. Makakasama nila sina Alex Cabagnot, June Mar Fajardo at Marcio Lassiter ng San Miguel Beer.
Pasok din sa line-up sina Beau Belga at Gabe Norwood ng Rain or Shine, Paul Erram ng Blackwater at Matthew Wright ng Phoenix.
Si Stanley Pringle ng NorthPort ang magiging naturalized player para sa laro laban sa Kazakhstan.
“We ask everyone to join us in prayer for the continuous success of the team,” pahayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Samantala, tiniyak ni head coach Yeng Guiao na handa na ang national team sa kanilang laro laban sa Kazakhstan at Iran.
Matapos ang laro kontra Kazakhstan bukas, makakaharap ng mga Pinoy ang Iran sa Lunes, Disyembre 3 sa parehong venue.
Isinagawa ng koponan ang kanilang final practice kahapon sa Meralco Gym bago ilipat ang kanilang preparasyon sa MOA Are ngayong araw. Ang lahat ng miyembro ng koponan maliban kina Kai Sotto at Standhardinger ay naroon.
Matapos ang ensayo, ang national team ay binigyan ng special send-off na dinaluhan ng mga dating miyembro ng Team Pilipinas, kabilang si great Robert Jaworski.
Naroon din sina Rafael Hechanova, Antonio Genato, Arturo Valenzona, Manny Paner, Ed Roque, Marte Samson at Jimmy Mariano.
Dumating din si dating national player at Ginebra stalwart Chito Loyzaga, kasama si Alaska team manager at governor Dickie Bachmann upang katawanin ang kanilang mga yumaong ama na sina legendary Caloy Loyzaga at Kurt Bachmann.
“We know we would not be here kung hindi po doon sa mga trailblazers natin who paved the way for us to be here,” pahayag ni Guiao sa pagkilala sa presensiya ng ilan sa basketball legends ng bansa.
“Maraming salamat po sa pagpapalakas sa aming puso.”
Comments are closed.