CAGAYAN DE ORO-IPINAG UTOS ngayon ng Cagayan de Oro City Police na isailalim sa medico legal examination ang bangkay ng apat katao na nadiskubre sa loob ng nasunog na bahay makalipas pa ang apat na araw.
Sa ulat ng CDO Bureau of Fire Protection, noong pang Miyerkoles nasunog ang bahay ng pamilya Ayangod sa Zone 3, Barangay 22 ng nasabing siyudad at apat na araw na ang nakaraan nang natagpuan ang bangkay ng apat na miyembro ng pamilya na sina Ador Ayangod, 53-anyos, ang asawa nitong si Juliet at mga anak na sina Joseph at Ester.
Hiniling na isailalim sa awtopsiya ang mga bangkay upang beripikahin ang tunay na sanhi ng kanilang kamatayan at matukoy din kung ano ang pinagsimulan ng sunog.
Sa impormasyong ibinahagi sa media ni FO3 Jesreel Lasaga, imbestigador ng Cagayan de Oro City Fire District, walang nakapagsabi sa kanila na may naiwang tao sa loob ng bahay nang masunog ito.
Sinasabing nadiskubre lamang ang mga bangkay dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa nasunog na bahay.
Pansamantalang kinordon ang naturang lugar habang patuloy ang imbestigasyon. VERLIN RUIZ
Comments are closed.