4  NA MAGSASAKA SUGATAN SA PAMAMARIL

pamamaril

CAGAYAN – APAT na katao ang sugatan sa pamamaril  ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa hindi malamang dahilan sa bayan ng Abulog.

Kinilala ni P/Major Ronald Balod, hepe ng Abulog Police Station ang mga sugatan na sina Ely Pablo, 51, Joselito Taneza, 31, Eddie Agatep, 40, at Melvin Taala, 41, pawang residente ng Barangay Cabaritan West, Ballesteros, Cagayan.

Patungo ang mga biktima  sa kanilang  kamag-anak upang makipaglamay lulan ng kanilang tricycle,  alas-7:30 ng gabi sa Barangay Zitanga, Ballesteros nang  hindi umano napansin ng driver ng tricycle na si Pablo ang kasalubong na motorsiklo na muntikan nilang nabangga.

Inakala ng mga biktima na wala lang ang kasalubong nilang motor na lulan ng dalawang katao, ngunit bumalik ito at nag-overtake sa kanila kung saan napansin nilang hinihintay sila.

Ang ginawa ng mga biktima ay bumuwelta at mabilis na pinaharurot ang sakay nilang tricycle pabalik nang masalubong nila ang isang puting pick-up sa madilim na bahagi ng daan sa may Barangay Guiddam, Abulog kung saan ay bigla na lamang silang pinaputukan ng mga suspek na bagaman sugatan sila ay nagkanya-kanya ng takbo.

Nagtamo ng tama ng baril sa ulo si Taneza, sa tiyan naman si Agatep, tuhod at hita kay Taala habang sa hita naman kay Pablo na pawang nagpapagamot na sa ospital. IRENE GONZALES

Comments are closed.